(Ni NELSON S. BADILLA)
UMABOT sa P94.4 bilyon ang ginastos sa infrasture projects ng administrasyong Duterte nitong Oktubre, banggit ni Budget Secretary Benjamin Diokno.
Ani Diokno, ang nasabing halaga ay higit na mataas kumpara sa P51.5 bilyong ginastos sa parehong buwan ng nakalipas na taon.
Ang umento ay katumbas ng 83.4%, batay sa datos ng Department of Budget and Management (DBM).
Ayon sa kalihim, ang proyektong pinagkagastusan ay ang rehabilistasyon, konstruksyon, pagsasaayos ng mga sirang pambansang kalsada, flood control project, pagkukumpuni ng drainage system, konstruksyon ng bypass-diversion roads at iba pang kahawig na mga proyekto.
Dahil sa pagtaas na ito, umabot sa kabuuang P665.1 bilyon ang nagastos sa imprastratura at kapital ng pamahalaan sa loob ng unang 10 buwan ng taon.
Katumbas ito ng 50.3 porsiyentong umento, tugon ni Diokno.
Ipinaliwanag ni Diokno na napakahalaga ng malaking paggastos ng pamahalaan dahil malaki ang naitutulong nito sa pagsulong at pag-angat ng ekonomiya.
113