(NI HARVEY PEREZ)
HINDI na pinag-iisyu ng Malakanyang ng travel authorities ang mga head ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa anumang opisyal na biyahe sa Canada.
Ito ang inihayag ni Presidential spokesperson Salvador Panelo matapos kumpirmahin na nag-isyu ng memorandum noong Mayo 20 si Executive Secretary Salvador C. Medialdea na nag-aatas sa lahat ng department secretaries at heads ng mga ahensiya, government-owned and controlled corporations at government financial institutions na itigil ang pag-iisyu ng travel authorities para sa official trips sa Canada.
Sa naturang memorandum, pinagsabihan rin ang mga head ng government agency na bawasan ang kanilang opisyal na pakikipag usap sa Canadian government.
“We maintain that these directives are consistent with our stance on the diminished diplomatic relations with Canada starting with the recall of our Ambassador and Consul-General in that country in light of Canada’s failure to retrieve its containers of garbage unlawfully shipped to the Philippines,” ayon kay Panelo .
Samantala, iniutos na ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.ang pag-recall sa ilang matataas na opisyal sa Canada matapos na mabigo ang Canadian government sa kanilang deadline na ibalik ang tone-toneladang basura na iligal nilang dinala sa Pilipinas ilang taon na ang nakalilipas.
Nabatid na ang pagpapauwi sa mga opisyal ng Pilipinas sa Canada ay nangangahulugan na handa ang Pilipinas na wakasan ang dekadang diplomatic ties sa Canada.
Samantala, tiniyak naman ng pamahalaan ng Canada na tinatrabaho na ang isang resolusyon para ibalik sa kanila ang basura na bahagi pa ng mga basura na iligal na dinala sa Pilipinas noon pang 2013.
Sinabi pa ng pamahalaan ng Canada na ang pagbabalik ng mga basura ay kukumpletuhin bago matapos ang buwan ng Hunyo, gayunman hindi ito naging katanggap-tanggap kay Duterte.
Sa naunang pahayag ni Duterte , ibabalik niya ang basura sa Canada at sasagutin ng pamahalaan ang gastusin ng pagbabalik sa mga naturang basura sa Canada at kung hindi ito tatanggappin ng Canada , iiwanan ang mga basura sa kanilang territorial water.
143