GRADUATION RITES BAWAL GAWING POLITICAL FORUM — DEPED

GRADUATION RITES

Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang pamunuan ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa na bawal ang pamumulitika sa idaraos na moving up at graduation ceremonies ng mga mag-aaral na magsisipagtapos ngayong School Year 2018-2019.

Bunsod na rin ito ng posibilidad na samantalahin at magamit ng ilang kandidato sa kanilang pangangampanya para sa midterm elections ang naturang mga aktibidad.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, dapat na mapanatili ang solemnity ng okasyon, dahil napakahalaga nito para sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang.

Giit pa ng kalihim, hindi ito dapat na gamiting political forum ng mga kandidato, bilang pagtalima na rin sa Department Order 48, series of 2018, na may titulong ‘Prohibition of Electioneering and Partisan Political Activity.’

“Further, the EOSY rites and moving up or completion ceremony shall be conducted in an appropriate solemn ceremony befitting the learners and their parents and shall not be used as a political forum,” bahagi pa ng DepEd Order No. 002, series of 2019, na inisyu ni Briones noong Pebrero 18, 2019, at may titulong ‘School Year 2018-2019 K to 12 Basic Education Program End of School Year (EOSY) Rites.’

Ang moving up at graduation ceremonies ngayong taon ay itinakda na ng DepEd sa pagitan ng Abril 1 at Abril 5, na natapat naman sa panahon ng kampanyahan para sa May 13 National and Local Elections.

Mula Pebrero 12 ay nagsimula nang umarangkada ang campaign period para sa mga kandidatong tatakbo sa national elections, habang Marso 29 naman magsisimula ang panahon ng kampanyahan para naman sa mga local election candidates.

Magtatapos ang campaign period sa Mayo 11, o dalawang araw bago ang election day. KEVIN COLLANTES

78

Related posts

Leave a Comment