HINAAN ANG PRESSURE NG TUBIG, INIREKOMENDA SA MANILA WATER

SGMA-6

(NI ABBY MENDOZA)

BAGAMA’T maituturing umanong short term solution, naniniwala si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na makatutulong sa nararanasang krisis sa tubig kung hihinaan ang pressure ng tubig sa lahat ng customer sa East zone upang ang lahat ay may makuhang supply.

Sa briefing na ipinatawag ni Arroyo kasama ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System  (MWSS) inirekomenda nito kay MWSS Administrator for Engineering Leonor Cleofas at Department Manager for Research Byron Carbon na dapat  magpatupad ng low pressure upang wala nang water interruption at magkaroon ng  maayos na distribution.

Nitong Biyernes ay pinangunahan ni Arroyo ang pagbubukas ng cross border pipe sa kanto ng West Avenue at  Bulacan St., sa Quezon City na syang magbibigay-daan para makapagbigay ng supply ng tubig ang Maynilad sa Manila Water.

“After we open, it’s gonna flow now to the other side,” pahayag ni Arroyo.

 

10 MILLION LITERS DADALOY NA SA EAST ZONE

 

Sinabi ni Maynilad Water President Ramon Fernandez na dahil sa ginawang pagbukas ng valve ay may 10 million liters ng kada araw ang dadaloy sa East Zone o mga customer ng Manila Water, ito muna ay pauna pa lamang at may 40 millions liter pa ang kanilang ibibigay.

“Ito pong linya na ito ay Maynilad line na magbibigay po sa Manila Water. Nagkataon lang po na may kaunting surplus sa Maynilad ito ang itutulong namin sa Manila Water. Isa lang ito sa initially lima na location na na-identify namin at nagkataon po na ito yung pinakamabilis na mabubuksan. Parte  po ito sa kinommit ng Maynilad na 50MLD na pwede namin i-share sa Manila Water yung iba po andoon sa E Rodriguez dito sa QC meron pa pong 2 sa West Ave sa may bandang Baler. Mas malaki nasa boundary ng Paranaque, at Taguig,”  paliwanag ni Fernandez.

 TUTUTUKAN

Sinabi ni Arroyo na tuluy- tuloy ang gagawing pagtutok ng Kamara sa problema sa tubig, sa darating na Lunes umano  ay maghahain ng resolusyon ang Oversight Committee on Public Utilities para magamit ang mga deep well.

Sa Lunes,May 18 ay pangungunahan ng House Oversight Committee on Metro Manila Development ang pagdinig sa Kamara para alamin  ang naging punu’t dulo ng  problema sa tubig  sa East Zone at kasama umano sa gagawing House Inquiry amg paglatag ng solusyon para maibsan na ang kalbaryo ng may 1.2 M customers ng Manila Water.

 

85

Related posts

Leave a Comment