PAGMUMULTAHIN ang mga jeepney driver na hindi susunod sa kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magsuot ng face mask sa kanilang pagbiyahe sa gitna ng nararanasang banta ng 2019 novel coronavirus sa bansa.
Sa isang interview, inihayag ni LTFRB Chair Martin Delgra III, na nag-isyu sila ng Memorandum Circular 2020-005 na humihiling sa mga jeepeney driver na magsuot ng facemask para makatulong upang hindi na kumalat ang virus.
Nabatid na may polisiya ang LTFRB na nagpapataw ng parusa sa mga hindi sumusunod sa kanilang circulars.
Bunsod nito ay pinaalalahanan ng LTFRB ang mga operator, drivers at konduktor ng public utility vehicle na tumugon sa kautusang magsuot ng facemask sa gitna ng banta ng 2019 nCoV sa bansa.
Naglagay na rin aniya ang LTFRB ng safety tips na galing ng Department of Health sa mga terminal bilang paalala sa publiko.
Dahil nagkaubusan na ng facemask, papayagan ng LTFRB kahit anong klase ang gamitin ng tsuper para ipantakip sa kanilang ilong at bibig. JESSE KABEL