Iginiit din ang importasyon ng baboy at manok DAR IPINAHAMAK SI DU30 SA PRICE CAP

MISTULANG ipinahamak ni Agriculture Secretary William Dar si Pangulong Rodrigo Duterte nang makumbinsi niya itong maglabas ng Executive Order (EO) upang mapatigil ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sumulpot ang paniniwalang ito makaraang ianunsiyo ni Presidental Spokesman Harry Roque Jr. na maglalabas ng kautusan si Duterte na patungkol sa pagtigil ng presyo ng mga bilihin, lalo na ng karne ng baboy.

Sa ilalabas na EO, itatakda rito ang pinakamataas na presyo ng mga produkto.

Matatandaang inanunsiyo ni Dar sa media kamakailan na nararapat na maglabas si Duterte ng EO upang kagyat nang matapos ang suliranin ng publiko hinggil sa hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng
mga bilihin, lalo na ang karne ng baboy na pumapalo na sa maraming palengke sa P450 kada kilo.

Hindi naglabas si Dar ng kanyang kautusan dahil noong Oktubre 2020 ay nag-isyu siya ng Department of Agriculture (DA) Administrative Order (AO) na nagtakda ng “price cap” sa karne ng baboy.

Ngunit, patuloy pa ring tumaas ang presyo nito hanggang kasalukuyan gayung tapos na ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Nakagawian na sa bansa na kapag Disyembre ay pataas nang pataas ang presyo ng mga bilihin dahil mayroong pambili ng mga produkto ang mga pamilya dulot ng sahod at 13th month pay.

Ngunit, bumababa nang dahan-dahan ang presyo ng mga bilihin pagpasok ng Enero dahil naubos na ang pera ng mga tao.

Ngunit, ngayong Enero ay patuloy ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin.

Ilang araw na ang nakalipas, tinumbok ng DA na ang pananatili ng African Swine Fever (ASF) at ang serye ng bagyo noong Nobyembre ang siyang pangunahing puwersang nagpabilis ng presyo ng mga karne ng baboy.

Ngunit, maging ang ibang produkto tulad ng isda, gulay, bigas, manok at iba pa ay nagsipagtaasan na rin.

Bukod sa price cap, isinusulong din ng DA ang patuloy na pag-angkat ng mga karne ng baboy at manok mula sa ibang bansa.

Naniniwala si Dar na ang EO ni Duterte at importasyon ay siyang mga solusyon upang matigil ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. (NELSON S. BADILLA)

73

Related posts

Leave a Comment