NAGKASA ng isang linggong protesta ang mga magsasaka laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil sa lalong paglala anila ng kagutuman, land grabbing at inhustiya.
Kahapon ay sinimulan sa Morayta ang kilos protesta habang ginugunita ang International Rural Women’s Day at ipagpapatuloy ang pagkilos sa Martes, October 17 hanggang sa Biyernes (October 20).
“Truth be told, Marcos Jr. is the chief protector of big landlords and land grabbers,” ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairman emeritus at dating Congressman Rafael Mariano.
Sinabi ng dating solon na kinukunsinti ni Marcos ang land grabbing ng mayayamang pamilya sa bansa at wala itong planong magkaroon ng genuine agrarian reform sa Pilipinas kaya walang pag-asang magkaroon aniya ng sariling lupa ang mga magsasaka.
Kabilang umano sa nakikinabang sa kawalan ng interes ni Marcos Jr., na ipatupad ang totoong reporma sa lupa ay ang pamilyang Villar na mahigit 11,000 ektarya ang kontrolado, habang 37,307 ektarya naman ang hawak ni Ramon Ang ng San Miguel Corporation.
Mahigit 25,440 ektarya naman umano ang kontrolado ng Ayala Land Inc. ng pamilyang Ayala-Zobel habang ang pamilyang Consunji ay 102,954 ektarya ang hawak bukod sa malalaking lupain sa Mindanao na nasa kontrol ng Del Monte, Dole Philippines, Sumifru at iba pa.
Sinabi naman ni Cathy Estavillo, secretary general ng Amihan at spokesperson ng Bantay Bigas, mula nang maging pangulo si Marcos ay tumaas ng 14% ang presyo ng bigas sa bansa gayung ipinangako nito na ibababa niya ito sa P20 kada kilo noong panahon ng kampanya.
Ayon kay Estavillo, kahit noong nagpatupad ng price cap sa bigas si Marcos ay hindi bumaba ang presyo ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino dahil P50 pa rin ang presyo nito sa maraming lugar sa bansa.
Lalong lumala ang kalagayan ng mga magsasaka dahil kapag nagreklamo ay nirered-tag ang mga ito para sila ay patahimikin habang ang iba naman ay sinasampahan ng gawa-gawang kaso at pinapatay pa ang iba.
“The AFP, PNP, NTF-ELCAC, and other fascist institutions continue to red-tag, threaten, and silence peasant women who have spoken out against the injustices they face. Peasant women across the country, including members and organizers of Amihan have been red-tagged, threatened, and arrested on false charges. Even our bank accounts, website, and Facebook page remain frozen, blocked, and under attack,” ani Estavillo.
(BERNARD TAGUINOD)
216