ILANG ORAS PA LANG SA POSISYON; AKLAN MAYOR SINIBAK

boracay12

(NI JEDI PIA REYES)

ISINILBI na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagsibak o dismissal order laban kay Mayor Ciceron Cawaling, ng bayan ng Malay, Aklan.

Ilang oras pa lamang nakababalik sa posisyon matapos ang anim na buwang preventive suspension ay inalis na rin sa tungkulin ang alkalde na nadiin sa mga reklamong gross neglect of duty, conduct unbecoming of a public official, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Sinibak na rin sa posisyon ang licensing officer ng nasabing bayan na si Jen Salsona.

Nauna nang iniutos ng Ombudsman ang pagsibak kay Cawaling dahil sa reklamong administratibo na inihain laban sa 18 opisyal na umano’y sabit sa kapabayaan sa pangangasiwa ng Boracay island kaya’t nauwi sa environmental crisis.

Natukoy na maraming environmental violations at hindi nakontrol o napigil ng lokal na pamahalaan ng Malay ang ilegal na mga development activities sa isla.

Napayagan umano ang pagtatayo ng mga establisimyento sa isla na lagpas na sa 25×5 meter easement mula sa baybayin na paglabag sa ordinansa ng bayan ng Malay.

Dahil sa pagkakasibak, forfeited na rin ang retirement benefits at hindi na pupuwedeng makaupo sa ano mang posisyon sa gobyerno sina Cawaling at Salsona.

Naniniwala naman si DILG Undersecretary Jonathan Malaya na magsisilbing babala sa iba pang mga lokal na pamahalaan na lumalabag sa environmental laws ang sinapit ni Cawaling at Salsona.

Ibinasura naman dahil sa kakulangan ng ebidensya ang kaso laban kina Aklan Provincial Governor Florencio T. Miraflores, Aklan Provincial Environment and Natural Resources Officer Valentin Talabero, Malay Vice-Mayor Abram Sualog, at Malay Municipal Environment and Natural Resources Officer Edgardo Sancho.

Lusot din sa kaso sina Malay Sangguniang Bayan members Natalie F. Cawaling-Pederes, Jupiter Aelfred G. Gallenero, Frolibar S. Bautista, Lloyd B. Maming, Dalidig M. Sumndad, Maylynn T. Aguirre-Graf,  Danilo G. Delos Santos, at Dante C. Pagsuguiron gayundin ang tatlong punong barangays na sina Hector A. Casidsid ng Barangay Yapak, Malay, Chona V. Gabay ng Barangay Manoc-manoc, Malay at Lilibeth Sacapao ng Barangay Balabag, Malay.

 

86

Related posts

Leave a Comment