(NI TERESA TAVARES)
ITINAKDA na ng Department of Justice (DoJ) ang preliminary investigation sa mga kasong isinampa ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga itinuturong nasa likod ng pagpatay sa negosyanteng si Dominic Sytin sa Subic, Zambales.
Gagawin ang PI sa April 1, ganap na alas-10:00 ng umaga sa mga kasong murder at frustrated murder laban sa kapatid ni Dominic na si Dennis na itinuturong mastermind sa krimen.
Tumatayong complainant sa kaso ang biyuda ni Dominic na si Ann Marietta Sytin at ang Olongapo City police.
Si Dominic ang founder at chief executive officer ng United Auctioneers Inc o (UAi), importer ng used heavy equipment na nakabase sa Subic Freeport.
Nauna nang naaresto sa Batangas noong March 5, 2019 ang self-confessed gunman na si Edgardo Luib.
Inamin ni Luib na siya ang bumaril kay Dominic at sa driver nitong si Efren Espartero matapos silang utusan ni Dennis kapalit ng malaking halaga.
Bukod kina Dennis at Luib, kasama sa mga kinasuhan ng PNP sa DoJ si Oliver Fuentes, alyas Ryan Rementilla, na siya umanong nagpakilala kay Luib kay Dennis.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bukod sa extrajudicial confession ng gunman, nag-match ang fingerprints ni Luib sa mga fingerprints na nakuha sa motorisklo na narecover sa tapat ng isang simbahan malapit sa crime scene.
Iniwan din ng gunman ang itim na helmet nito at ilang magazine ng calibre .45 baril.