PINAG-AARALAN ng Deparment of Health ang posibilidad na gawing mandatory ang immunization sa mga bata kasunod ng deklarasyon ng measles outbreak sa ilang lugar sa bansa.
“Pinag-aaralan na natin ang ibang mga bansa na kung saan mayroong mandatory immunization na ang mga magulang dapat dalhin talaga nila ang mga anak nila sa mga health centers,” sabi ni Health Secretary Francisco Duque III.
Idinagdag pa ni Duque na mayroong executive order noong 2007 na nilagdaan ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nag-uutos na magkaroon ng kumpletong bakuna sa mga bata bago pa man pumasok sa preschool at primary school.
“Ang problema walang sanction. Sinabi lang na it will ensure, pero wala namang nakalagay na kapag ka hindi dinala ng magulang ay may karampatang penalties o kaparusahan,” paliwanag pa ni Duque.
Kahapon ay umikot si Duque sa mga ospital sa Maynila upang alamin ang kalagayan ng mga pasyente.
Inamin ni Duque na marami pa ring bata ang hindi nababakunahan sa takot ng mga magulang na matulad ang mga anak nila sa Dengvaxia kung saan nangamatay ang mga batang nabakunan ng anti-dengue vaccine.
126