MALAYANG nakapasok sa bansa ang mga imported meat na maaaring kontaminado ng swine flu o sakit ng baboy na nakahahawa sa tao matapos ibunyag ng hanay ng hog industry ang posibilidad nang ‘pagdoktor’ sa rekord kung saang bansa nagmula ang shipment.
Banta sa kalusugan ng tao ang itinuturing na nakakatakot na strain mula sa China ng H1N1 na delikadong kumalat mula sa mga karneng pinalulusot papasok sa bansa.
Maaaring magkasakit ang sinomang makakakain ng baboy na mayroong swine flu.
Maliban dito, pinapatay rin ng imported na karne ang P200 bilyon kada taon na industriya ng hog raising.
Batay sa impormasyong nakalap ng sektor, kuwestyonable kung paano nakalusot sa Bureau of Animal Industry (BAI) at Bureau of Customs (BOC) ang imported meat ng international trading company na ProFood GMBh gayong malinaw na may discrepancy sa computer record at dokumento nito.
Malaking palaisipan sa mga opisyal ng hog industry kung paano nabago at nailusot ng consignee na Macafoods International na may tanggapan sa Binondo, Maynila ang kargamento na nagsasaad na ito ay frozen pork.
Batay sa Import Clearance na in-issue ng BAI, ang mga karne na dumating sa Manila International Container Port (MICP) noong may 10, 2020 ay nagmula sa bansang France, kung saan ang loading ay sa Singapore.
Subalit sa Bill of Lading ng Inward Foreign Manifest, malinaw na isinasaad na ang mga imported na karne ay nagmula sa bansang Germany na saklaw ng ban na inisyu ng Department of Agriculture.
‘Hindi dapat makalusot sa BAI at BOC ang mga karne. Malayang nakapapasok at hindi naka-red flag sa Clearance Section ng BOC ang kargamento dahil napalitan ang country of origin ng hindi naka-ban na bansa,’ pahayag ng isa sa mga nagbunyag na nakiusap ‘wag pangalanan dahil sa sensitibong impormasyon.
Idinagdag pa ng grupo na inilalagay umano sa panganib ng ilang tiwaling kawani at opisyal ng BAI at BOC ang kalusugan ng mga Pinoy kahit pormal na suspendido ang system accreditation sa lahat ng German foreign establishments na mag-export ng karne sa bansa.
Matatandaan na ang Germany ay kabilang sa 19 bansa na isinailalim sa ban ng DA nitong nakalipas na taon.
Ayon kay dating Agriculture Secretary Manny Piñol sa kanyang pahayag sa media nung siya pa ang nanunungkulan, ang PRO FOOD GMBh ang sanhi ng pag-ban ng baboy at mga produkto ng baboy na galing sa Germany dahil sa paglabag sa food safety and security standards ng ating bansa.
