Inalok ng executive session ‘ONION QUEEN’ PIPILITING PIGAIN

INIMBITAHAN ng mga mambabatas sa Kamara na humarap sa executive session ang negosyanteng si Lilia “Leah” Cruz upang sabihin ang lahat ng kanyang nalalaman sa usapin ng sibuyas sa bansa.

Banta pa ng mga mambabatas, ikukulong ang negosyante na binansagang Onion queen at Mrs. Sibuyas kapag nagsinungaling sa susunod na pagdinig sa onion hoardings.

Sa mosyon ni Marikina Rep. Stella Quimbo sa House committee on agriculture, nais nitong humarap si Cruz dahil marami umano itong nalalaman sa onion tradings sa bansa subalit hindi nito masabi sa open hearing tulad ng ginawa ng komite noong Miyerkoles.

Agad naman itong sinusugan ni Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano kung saan direkta nitong tinanong si Cruz kung payag itong humarap sa executive session.

“Willing ka ba sa executive session? Pag executive session dapat lahat ng nalalaman mo sabihin mo. Are you willing?,” tanong ni Paduano kay Cruz na sumagot naman ng, “Sa ngayon ay hindi ako maka-decide agad, ikokonsulta ko (muna) sa pamilya ko”.

“Dalawa lang yan. executive or in the next hearing pag nagsinungaling ka with all the data available in this committee we will cite you in contempt,” babala ni Paduano kay Cruz.

Ipinaalala ng mambabatas kay Cruz na kapag na-contempt ang isang resource person ay makukulong ito hangga’t hindi nagsasabi ng katotohanan sa komite at sa taumbayan.

Ginawa ni Paduano ang kondisyon dahil tulad ng karamihan sa mga mambabatas ay duda kay Cruz dahil maraming impormasyon ang nakakalimutan aniya ng negosyante tulad ng mga kasama nito sa kanyang kumpanya na kanilang itinatag para mag-angkat ng sibuyas, bawang at iba pang produktong agrikultura.

“Ang dami kang nakakalimutan. In fact kahit board member ng company mo nakakalimutan mo,” ani Paduano kasunod ng pagdududa ni Quezon Rep. Jayjay Suarez.

“Ang hirap panghahawakan ang inyong salita na “hindi niyo maalala,” ani Suarez.

Maging si Pangasinan Rep. Rachel Arenas ay naniniwala na maraming alam si Cruz kaya kailangan pa niyang konsultahin ang kanyang pamilya bago humarap sa executive session. (BERNARD TAGUINOD)

119

Related posts

Leave a Comment