(NI BERNARD TAGUINOD)
NAIS ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na malaman kung magkano ang totoong kinikita ng gobyerno sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) industry sa bansa.
Ayon kay House committee on dangerous drug chairman Robert Ace Barbers pawang mga hula lang ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) chairperson Andrea Domingo na umaabot sa P24 Billion ang buwis na nakokolekta sa POGO bukod sa P1.25 Billion na value added tax (VAT).
Aabot din umano sa P12.5 Billion ang nagagatos ng mga POGO workers sa bansa at P20 Billion ang naitutulong ng mga ito sa real estate sector dahil sa mga nirerentahang mga pasilidad.
“What chairman Domingo is telling us are estimates or prophesies, nothing more and nothing less. As of last reports published recently in the media, the POGO industry, so far, only generated P200 million in revenues. Nasaan na ‘yung bilyon-bilyong piso na income taon-taon na sinasabi nila?,” ani Barbers.
Dahil dito, nais ng kongresista na makita ang totoong dokumento kung magkano talaga ang kinikita ng gobyerno sa POGO lalo na marami sa mga ito ay umano ang mga ilegal ang operasyon.
Sinabi ng kongresista na 12 lamang umano sa 58 POGOs na binigyan ng Pagcor ng lisensya ang kaya lalong naniniwala ito na ‘media hype’ lamang bilyong-bilyong piso na kinikita umano sa industriyang ito.
“The question is: ‘How can the government derive billions of pesos in revenues from these POGOs if only 12 of them are registered firms and could be considered legal to operate in the Philippines?,” ayon pa rito.
“Dapat siguro malaman nating lahat, ng publiko, kung ano ang katotohanan sa mga ‘kolorum’ POGO firms na ito. Sino ang mga taong nagpapalaganap o nagbibigay ng proteksyon sa mga ito, at kung paano nito dinadaya ang ating gobyerno sa di pagbabayad ng tamang buwis,” dagdag pa nito.
Kailangan din umanong bantayan ng husto ang POGO dahil sa natatanggap nitong impormasyon na ginagamit ang on-line gambling industry na ito sa money laundering activities ng mga local at international drug traffickers at iba pang criminal syndicates ‘malabada ang perang kinita nila sa illegal na paraan’.
312