(BERNARD TAGUINOD)
SA kabila ng agresibong panghihimok, nananatiling bokya ang Partido Federal ng Pilipinas sa layunin nilang pasipain ang dami ng miyembrong kinatawan mula sa Kamara.
Taliwas naman ang direksyon ng Lakas-CMD na dinudumog ng mga kongresistang miyembro ng ibang partido.
Patunay nito ang paglundag ng dalawang prominenteng halal na opisyal sa gobyerno sa partidong pinamumunuan ni House Speaker Martin Romualdez. Kabilang sa mga “bagong lipat” sa Lakas-CMD sina Iligan City Lone District Rep. Celso Regencia, Aklan Gov. Jose Enrique “Joen” Miraflores na nanumpa ng katapatan sa partido ni ng lider ng Kamara de Representantes.
Bukod kina Rep. Regencia at Gov. Miraflores, nanumpa na rin Pampanga board member Alyssa Michaela “Mica” Mercado Gonzales.
Sa pinakahuling bilang, pumalo na sa 67 kongresista ang kasapi ng Lakas-CMD sa Kamara. Sa nasabing bilang, 41 ang lumundag mula sa ibang partido matapos ang halalang ginanap nito lamang nakaraang buwan ng Mayo.
“We are looking forward to an enjoyable and productive interaction, engagement and camaraderie with them,” ani Romualdez matapos ang panunumpa ng mga bagong kasapi ng kanyang pinamumunuang partido.
Dalawa lang ang kongresistang miyembro ng PFP – South Cotabato Reps. Isidro “Ed” Lumayag at Peter Miguel.
Kamakailan ay naging kontrobersyal ang pagpapatalsik ng PFP kay Atty. Vic Rodriguez bilang miyembro at PFP executive vice-president.
Paniwala ng dating tagapagsalita ni President Bongbong Marcos, hangad lamang pagtakpan ng PFP ang kapritso ng ilang pinunong kanyang tinabla kaugnay ng kahilingan na sila’y ipwesto sa mga sensitibong tanggapan ng gobyerno – kabilang ang Commission on Elections (Comelec), Commission on Audit (COA) at Civil Service Commission (CSC).
Kinuwestyon din niya ang pagsasapubliko ng PFP sa isang internal matter.
Sa huli, hindi nagpatinag si Atty. Rodriguez dahil para sa kanya, hindi wastong pagbigyan ang nais ng ilang opisyal ng PFP lalo pa’t hindi naman aniya kwalipikado sa puntiryang pwesto ang nais iluklok sa pwesto.
“I could not, in conscience, during my time as executive secretary, let a non-qualified applicant be appointed to the administration of PBBM simply because he or she is a member of PFP,” diin pa ni Rodriguez.
252