‘INTENSIFIED INTELLIGENCE MONITORING’ INIUTOS

pnp12

(NI JESSE KABEL)

AGAD na ipinag-utos ni Philippine National Police chief General Oscar Albayalde na higit na palakasin ang kanilang intelligence network sa buong Pilipinas at sa kanilang mga counterpart sa ibang bansa.

Ito ay kasunod ng naganap na serye ng pagpapasabog sa Sri-Lanka na kumitil ng higit 200 katao nitong Pasko ng Pagkabuhay kung saan nagpahatid ng pakikisimpatiya ang PNP sa mamamayan ng Sri Lanka  at kahandaan tumulong sa abot ng kanilang makakaya .

Sa press conference nitong Lunes, sa Camp Crame, inihayag ni Albayalde na ipinag-utos niya ang pinaigting na intelligence monitoring upang hindi malusutan ng mga terorista.

Bagama’t nilinaw ni Albalayde na wala silang nakakalap na direkta o validated threat, sinabi ng opisyal na may mga hakbangin na at paghahanda ang pulisya sa mga posibleng insidente ng pag-atake ng mga terorista sa bansa.

Paliwanag pa ni Albayalde na  ang kanyang kautusan sa pagpapalakas ng intelligence monitoring ay bunsod na rin ng kanyang babala gaya sa  mga kaganapan sa Syria.

Posible umanong  magbalikan ang mga terorista o ISIS na nagpunta sa Syria sa kani-kanilang mga bansa o kaya ay magtago sa mga bansang maaring pagkanlungan at hindi maalis ang posibiidad na kabilang rito ang Pilipinas.

May mga hakbangin at paghahanda ang pulisya sa mga insidente ng pag-atake ng mga terorista.

Samantala sa kalakhang Maynila ay nanawagan naman si National Capital Region Police Office chief, Maj. Gen. Guillermo Eleazar na maging mapagmatyag  laban sa mga  kahina-hinalang kilos o bagay sa kapaligiran.

Idinagdag ni Eleazar na sunud-sunod ang simulation activities ng NCRPO nitong nagdaang mga linggo para matiyak ang kahandaan ng mga otoridad kapag may nangyari na mga pag-atake.

84

Related posts

Leave a Comment