MAHIGIT sa kalahati ng kabuuang bilang ng subscribers ng identity module (SIM) cards sa bansa ang hindi pa nagpaparehistro ng kani-kanilang public telecommunications entities (PTEs), gayong isang linggo na lang ay April 26 deadline na.
Base sa data ng Department of Information and Communications Technology (DICT), makikita na 69,828,115 SIM cards ang nakarehistro na “as of 11:59 p.m.” noong Biyernes, Abril 14, 2023.
“This translates to 41.32% of the 168,977,773 SIM cards across the country, higher than the 66,220,334 registered as of 11:59 p.m. on April 11, 2023,” ayon sa DICT.
Sa pinagsama-samang data ng DICT ay nakapagtala ang DITO Telecommunity Corp. ng 5,139,813; Globe Telecom Inc. 29,967,532; at Smart Communications Corp. na may 34,720,770.
Dahil dito, sinabi ni Camarines 2nd District Rep. LRay Villafuerte na dapat palawigin ng isa o dalawang buwan pa ang deadline ng SIM card registration.
Dalawang linggo bago ang deadline sa April 26, sinabi ni Villafuerte na wala pang 40% ng tinatayang 168 milyong SIM number ang nairehistro na.
Ibig sabihin aniya nito, na sa loob ng limang araw o mula April 7 hanggang 11, mayroon lamang humigit-kumulang apat na milyon o 800,000 kada araw ang nairerehistrong SIM. Kung mananatili ang naturang numero hanggang April 26, 12 milyon pang SIM card ang mairerehistro o halos 85 milyong cards lang.
Nauna nang nanawagan ang Globe Telecom at Smart Communications na palawigin ang deadline upang mabigyan ng dagdag na panahon ang mga konsyumer.
Kabilang umano sa mga dahilan kung bakit marami ang hindi pa nakakapagparehistro ay dahil sa kawalan ng valid ID at problema sa internet connection. (CHRISTIAN DALE)
