Para kay Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles, panahon na upang amiendahan ang Anti -hazing law na inaasahang magiging daan upang tuluyan nang matapos ang kultura ng ‘impunity’ na nakakulapol sa hazing.
Sa isinusulong na panukala ni Nograles, nais nitong pananagutin na rin sa batas ang mga biktima na maikokonsiderang kasabwat sa hazing.
Paliwanag ng kongresista, maraming mga bagitong sumasali sa fraternity o organisasyon kahit alam naman nilang hahantong rin sa hazing kung kaya’t dapat ding managot ang mga ito sa batas bilang kasabwat.
“Sa maraming kaso, ang mga estudyante ay sumasali sa organisasyon sa kabila ng lahat na alam nilang sila ay makararanas ng hazing,” ayon kay Nograles.
Dahil dito, ayon sa solon, sa pag-amienda ng batas sa pamamagitan ng pagpapanagot o pagpaparusa sa sa mismong biktima ay matigil na ang hazing .
“Umaasa tayo na sila’y mapipigilang sumali sa isang samahan na may kultura ng hazing kung may sapat silang kamalayan dito, gayundin, maaaring maparusahan ng batas,” ayon sa kongreissta kasabay ng pagsasabing ,” Gaya nga ng madalas sabihin, walang maapi kung walang nagpapaapi.”
Sa panukala ng kongresista, nakasaad na kailangang may mahanap na dalawang elemento sa biktima bago ikonsiderang kasabawat ng hazing.
Una, ang aplikante ay dapat nagkusang-loob at nagbigay pahintulot o pumayag na siya ay maging biktima ng hazing.
Pangalawa, ang biktima ay dapat na sadyang makipagtulungan sa aktuwal na pagpapatupad ng hazing, nangangahulugan na ang ginawang hazing ay totoong nangyari at ang biktima ay kusang-loob na pinahintulutan ito na gawin sa kanya.
Gayunpaman, ang mga biktima na handang magsalita laban sa mga ginawa sa kanya na labag sa kanyang kagustuhan ay maaaring gawing state witness.
“Kung mawawakasan natin ang kultura ng impunity sa mga organisasyon na umaabuso sa kanilang hinihikayat na miyembro, dapat nating gawin na mas mahigpit ang anti-hazing law,” dagdag ni Nograles.
131