June 19, idineklarang Filipino Social Workers’ Day KAHALAGAHAN NG SOCIAL WORKERS SA KOMUNIDAD KINILALA

0

NARARAPAT kilalanin ang mahalagang papel at hindi matatawarang kontribusyon ng mga social worker sa bansa, partikular na sa pagsusulong ng kapakanan ng mahihirap at vulnerable sectors sa lipunan.

Ito ang tinuran ni Senator Christopher “Bong” Go matapos papurihan si Pang. Rodrigo Duterte dahil sa pagdedeklara sa Hunyo 19 ng bawat taon bilang Filipino Social Workers’ Day.

“Sinusuportahan at kinokomendahan ko ang deklarasyon ng June 19 bilang Filipino Social Workers’ Day upang magsilbing paalala sa lahat ng mga Pilipino sa serbisyo na iginagawad sa lipunan ng ating mga magigiting at masisipag na social workers,” ayon kay Go.

“Sa gitna ng pandemya, hindi po tumigil ang ating social workers na magtrabaho upang gampanan ang kanilang tungkulin sa kanilang mga kababayan. Napakaliit na bagay po nito kumpara sa mga sakripisyo nila, lalo na sa gitna ng kasalukuyang pandemya,” aniya pa.

Pinasalamatan din naman ng senador ang mga social worker dahil sa pagtiyak ng mga ito na ang serbisyo publiko ay makararating sa mga Pinoy na nasa malalayo at liblib na komunidad.

Partikular na kinilala ni Go ang mga taong tumutulong sa pagkakaloob ng mga pangangailangan ng mga pasyente at benepisyaryo ng 125 Malasakit Centers na itinayo sa buong bansa.

“May mga social workers at personnel na nasa mga Malasakit Centers para tumulong sa ating mga kababayan. Kung hindi po dahil sa kanila, hindi magiging buo at makararating sa ating mga kababayan ang serbisyo galing sa mga center na ito,” ani Go.

Sa Proclamation No. 1176, na nilagdaan noong Hunyo 25, iminamandato sa Department of Social Welfare and Development na pangunahan, makipag-coordinate at pangasiwaan ang nationwide observance ng Filipino Social Workers’ Day.

“Sa mga panahong ito kung saan andyan ang banta sa kalusugan at buhay ng ating mamamayan, pinili ng mga kawani ng pamahalaan na magsilbi sa bayan. Imbes na uunahin nila ang kapakanan ng kanilang pamilya, ninais nilang patuloy na magtrabaho sa kani-kanilang mga opisina upang hindi maputol ang mga serbisyo ng pamahalaan para sa lahat,” ani Go. “Nararapat lamang na kilalanin at bigyan ng pagpapahalaga ang mga sakripisyong ito.”

Inisyu rin ni Pang. Duterte ang Administrative Order No. 43 na nagkakaloob ng hazard pay sa mga government personnel.

“The government workers who still go to work during this time put their lives at risk, so they deserve proper compensation. The service that they are giving to the Filipino people is priceless. Granting them hazard pay is the least that we can do for them,” anang senador. (ESTONG REYES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment