Kahit dehado mga magsasaka ROMUALDEZ, MARCOS SANIB-PWERSA SA RCEP

(BERNARD TAGUINOD)

TINUKURAN ng mababang kapulungan ng Kongreso sa pangunguna nina House Speaker Martin Romualdez at presidential son Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa kabila ng pagtutol partikular ng hanay ng mga magsasaka.

Para sa mga mambabatas, magbibigay ito ng oportunidad sa mga Pilipino na magkaroon ng trabaho.

Ngunit taliwas ito sa pangamba ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na magiging dahilan anila ng pagkawala ng trabaho ng mas nakararaming Pilipino lalo na sa sektor ng pagsasaka ang isinusulong na RCEP.

Sa House Resolution (HR) 728 na inakda nina Romualdez at Marcos kasama sina Majority leader Jose “Mannix” M. Dalipe at Batangas 5th District Rep. Mario Vittorio “Marvey” Mariño, hiniling ng mga ito sa Senado na ipasa na ang nasabing kasunduan sa mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) kasama ang Australia, China, Japan, New Zealand at Republic of Korea.

“By immediately ratifying the RCEP Agreement, the Philippines can sooner benefit and take the advantages of this mega-trade deal that could attract more foreign investors, create more job opportunities, and curb the unemployment and poverty rates in the country,” ani Romualdez sa nasabing resolusyon.

Subalit ayon kay Danilo Ramos, chairman ng KMP, dehado, hindi lamang ang mga magsasaka kundi ang maliliit na industriya sa Pilipinas kapag tuluyang naratipikahan ng Senado ang RCEP.

“Whatever industry we have will be lost to RCEP. Imports will further displace our local output since RCEP will eliminate tariffs on 93% of our industrial tariff lines. This alone could result in massive job losses and bankruptcies of small and medium-scale enterprises,” ani Ramos.

Wala ring laban ang mga magsasaka dahil hanggang ngayon ay tanging saging, pinya at coconut-based products ang ine-export ng Pilipinas ngunit hindi rin ito umuunlad.

Dahil sa mga nakaraang Foreign Trade Agreement (FTA) na pinasok ng Pilipinas tulad ng World Trade Organization (WTO), naging tambakan na umano ng agricultural products ng ibang bansa ang Pilipinas tulad ng bigas, mais, karne ng baboy, manok, isda, sibuyas, bawang, mung beans, mani at maging asin.

“Ano pang maibibigay at makukuha natin sa RCEP? Dehadong-dehado talaga dito ang mga magsasaka at lokal na prodyusers,” pahayag ni Ramos lalo na’t hindi sapat ang tulong sa sektor ng pagsasaka sa bansa at walang safety nets at back-up plan ang nasabing kasunduan. (BERNARD TAGUINOD)

169

Related posts

Leave a Comment