Kahit ‘di tiyak ang suporta ng Senado KAMARA TULOY SA CHA-CHA

AMINADO ang liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso na wala pa silang nakukuhang suporta sa economic Charter change (Cha-Cha) na kanilang pinagtibay na sa committee level.

Sa Ugnayan sa Batasan forum kahapon, sinabi ni House committee on constitutional amendments chairman Rep. Alfredo Garbin Jr., hindi pa sila nakasisiguro na bibigyan ito ng prayoridad sa Senado.

Noong Martes ay pinagtibay na sa committee level ang Resolution of Both Houses (RBH) na inakda ni Speaker Lord Allan Velasco sa botong 64 pabor, 3 no at 3 abstention.

Nakatakda umanong isalang sa plenaryo ng Kamara ang nasabing panukala kung saan target na makakuha ito ng ¾ votes o 225 congressmen mula sa 301 miyembro ng Kamara sa kasalukuyan.

Pangunahing layon ng Economic Cha-Cha na isinusulong ng Kamara ay bigyan ng 100% ownership ang dayuhang negosyante na magmay-ari ng negosyo sa bansa maliban sa pag-aari ng lupa.

“Ang direktiba ni Speaker ay tapusin ito sa plenaryo, pagdebatehan at kunin ang mandato na ¾ votes of all its members of the House of Representatives. Pag natapos natin ang requirement na ‘yun na hinihingi ng Konstitusyon ipapasa namin, ita-transmit namin sa Senado,” ani Garbin.

“Sila (Senado) bahala doon, pag-isipan nila. But of course panawagan namin, panawagan ni Speaker that they have to look, give it a chance at ibato natin sa taumbayan sa isang plebisito,” dagdag pa ni Garbin.

Dapat aniyang hayaan ang taumbayan na magdesisyon kung papayag ang mga ito na amyendahan ang Saligang Batas na 34 anyos na at kailangan na aniyang baguhin lalo na ang mga probisyong pang-ekonomiya.

Inamin din ng mambabatas na “wala pa kaming second option or Plan B sakaling di sumama ang Senado dito sapagkat kami ay naniniwala na ito ay pangangailangan… at kailangang bigyang-pansin at tsansa ng Senado”. (BERNARD TAGUINOD)

52

Related posts

Leave a Comment