(Ni NELSON S. BADILLA)
PATULOY na magtatrabaho ang mga contruction worker sa lahat ng proyekto ng administrasyong Duterte sa ilalim ng Build, Build, Build (BBB) Program.
Idiniin ito ni Usec. Jonathan Malaya, tagapagsalita ng Department of the Interior and Local Government (DILG), makaraang linawin nito na hindi kasama ang mga proyekto ng BBB Program sa matitigil ang implementasyon simula sa Marso 29.
Ani Malaya, ang ipinatitigil lang na mga proyekto gamit ang pondo ng pamahalaan ay iyong mga program at proyekto ng mga pamahalaang lokal alinsunod sa Commission on Election (COMELEC) Resolution No. 10429.
Ang pagtigil sa implementasyon ng mga program at proyekto ng mga pamahalaang lokal ay mula Marso 29 hanggang Mayo 12.
Napakahalagang punto ang inihayag ni Malaya, sapagkat literal na mawawala ang pangamba ng mga construction worker sa mga proyekto ng BBB Program tulad ng ginagawang LRT – 7 mula Quezon City hanggang Bulacan, tulay mula Intramuros Manila hanggang Binondo Manila at iba pa na mawalan sila ng hanap-buhay.
Malaking kawalan sa mga manggagawa kung sila ay mawawalan ng trabaho sa loob ng isa’t kalahating buwan, lalo pa’t ilang araw na lang ay pasukan na sa mga pampublikong paaralan sa Hunyo 3.
Ayon sa Department of Finance (DoF), ang mga proyekto ng BBB Program ay upang pabilisin ang daloy ng mga sasakyan na siyang magpapabilis sa lahat ng gawain tungo sa pagsulong at pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
Sa pagsasagawa ng mga proyekto nito, target ng DOF na makabuo at makapagbigay ng 1.7 milyong trabaho sa mga construction worker hanggang 2022.
124