Kahit tadtad ng kontrobersya P1.4-B MANILA BAY REHAB TULOY

(BERNARD TAGUINOD)

TULOY ang rehabilitasyon sa buong Manila Bay sa gitna ng kontrobersya sa sangkatutak na reclamation projects na itinuturong dahilan ng matinding pagbaha sa Pampanga at Bulacan nang manalasa ang Bagyong Egay na sinundan ng Habagat.

Ito ang kinumpirma ni House Committee on Metro Manila Development Vice Chairman at Quezon City Rep. Marvin Rillo kaugnay ng pondo ng rehabilitasyon ng Manila Bay sa susunod na taon.

“The DENR’s Operational Plan for the Manila Bay Coastal Management Strategy will be receiving another P1.4 billion in 2024. The sum is in addition to the P1.5 billion earmarked (for the operational plan) in this year’s national budget,” ayon sa kongresista.

Ipinaliwanag ng mambabatas na ang bagong pondong ito ay pagsunod sa kautusan ng Korte Suprema na linisin at ayusin ang Manila Bay.

“We are all for the complete environmental restoration of Manila Bay for the enjoyment of future generations of Filipinos,” kaya kahit sa gitna ng kontrobersya sa reclamation projects sa nasabing karagatan, ay tuloy aniya ang pagbuhay sa nasabing karagatan.

Sa ngayon, mapanganib pa rin sa mga tao na lumangoy sa Manila Bay dahil sa kontaminado ito ng mga dumi ng mga tao dahil marami sa mga palikuran sa Metro Manila ang naglalabas ng toilet waste sa nasabing karagatan.

Kabilang sa paggagastusan umano ng nasabing pondo ay relokasyon ng 233,000 informal settlers na nakatira sa paligid ng Manila Bay at direktang nagtatapon ng kanilang dumi sa nasabing karagatan hanggang 190 kilometro.

Magtatayo rin umano ang DENR ng sewage treatment plants (STPs) sa paligid ng Manila Bay upang hindi direktang itapon ang dumi ng mga tao sa nasabing karagatan.

Reclamation projects
bubusisiin

Samantala, iginiit ni Senador JV Ejercito ang pangangailangan na magsagawa ng sariling imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa mga kwestyonableng reclamation projects sa Manila Bay.

Partikular anyang dapat tutukan sa imbestigasyon ang papel ng Philippine Reclamation Authority o PRA sa mga proyekto.

Ipinaliwanag ni Ejercito na pinagkalooban ng PRA ng awtoridad ang local government units (LGUs) sa pakikipagnegosasyon at pag-aapruba sa reclamation projects.

Nagtataka ang senador kung bakit ipinagkatiwala ng PRA sa mga LGU ang Manila Bay na isang national asset.

Ipinaalala pa ni Ejercito na ang mga nakalipas na reclamation projects ng gobyerno ay isinakatuparan mismo ng national government.

Sinabi ni Ejercito na kaduda-duda ang mga proyekto dahil mistulang minadali ang mga ito na naisakatuparan bago matapos ang termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kailangan din anyang matukoy sa imbestigasyon kung nakonsulta ang DPWH at MMDA sa mga proyekto dahil kung hindi ay nangangahulugan ito na walang maayos na engineering plan ang mga ito.

Una nang nilinaw ng PRA na tatlo lamang sa mga ongoing projects ang apektado ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Manila Bay sa paggiit na nasa compliance stage pa lamang ang ibang proyekto.

(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

141

Related posts

Leave a Comment