NAKUHA ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kanilang kagustuhang buwagin nang tuluyan ang Road Board na siyang namamahala sa bilyong-bilyong binabayaran ng mga may-ari ng mga sasakyan taon-taon.
“It is a victory for transparency too,” pahayag ni House majority leader Rolando Andaya Jr., matapos ang kanilang Bicameral conference meeting hinggil sa panukalang buwagin ang Road Board.
Ayon kay Andaya, nagkasundo sila ng mga kinatawan ng Senado sa Bicameral conference na tuluyang buwagin ang Road Board na siyang namamahala sa Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) o mas kilala sa Road User’s Tax na taon-taong kinikolekta sa mga may-ari ng mga sasakyan sa bansa.
Taliwas ito sa nais aniya ng nakaraang liderato ng Kamara na ililipat lamang ang trabaho ng Road Board sa mga Secretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Maliban sa makatotohanang pagbuwag aniya sa Road Board, ang makokolektang road user’s tax ay idederetso sa general fund kung saan isasama ito sa pondong gagamitin sa mga proyektong tutukuyin sa national budget taon-taon na mas transparent umano kumpara sa kasalukuyang sistema.
Sa kasalukuyan, tanging ang Road Board ang magdedesisyon kung saan gagamitin ang bilyong-bilyong road user’s tax subalit sa isinusulong na sistema, malalaman na ng publiko kung saan-saan gagamitin ang pondong ito dahil dadaan ito sa Kongreso.
“We have also stood our ground in earmarking MVUC collections for transport-related activities. The spurious Road Board abolition bill inserted a provision that would have diverted funds to waste segregation,” ayon pa kay Andaya.
156