(BERNARD TAGUINOD)
IBINUKO ng beteranong kolumnistang si Ramon Tulfo na ‘sangkot sa smuggling sa mga pier” ang isang Martin Araneta na kapatid umano ni First Lady Liza Marcos.
Sa kanyang Facebook page na From Where I Sit by Ramon Tulfo II, sunod-sunod na ibinahagi ng kolumnista ang ilang impormasyon mula sa pagiging magkaibigan nila ng asawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na si Liza.
Aniya, binigyan pa siya ng espasyo ng Unang ginang sa law office nito noong Special Envoy siya sa China sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inimbitahan din umano siya ni Lisa, kilala rin sa initials na LAM, noong inagurasyon ng Pangulo at maging sa party sa Malacañang.
“We have parted ways. The reason was my text message to her which you will read below,” ani Tulfo patungkol kanyang test message kay LAM sa natanggap umano nitong impormasyon na ang kapatid nito na si Martin ay sangkot sa smuggling.
“Ma’am. Please don’t get mad at me. Im just trying to help the BBM administration. Please check rumors that your brother Martin is involved in smuggling in the piers. Check before other reporters get hold of the rumors and have a field day. I’ve checked and it seems that rumors have a basis. Why don’t you have Ariel Nepomuceno take over if you want a clean Bureau of Customs?,” ang mensahe umano ni Tulfo kay Mrs. Marcos.
Sinabi ni Tulfo na ang nasabing mensahe ang pinag-ugatan ng ‘trouble’ sa pagitan nila ng Unang Ginang.
Subalit iginiit nito na ang kanyang pagmamahal sa bansa at trabaho bilang journalist ang naging dahilan kaya ipinadala niya ang nasabing mensahe sa Unang Ginang.
“To paraphrase Manuel L. Quezon, my loyalty to my friends and relatives ends where my job as a journalist begins,” ani Tulfo.
Si Ramon, mas kilala bilang Mon ay kapatid ni dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na dalawang beses na-bypass ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA).
Hindi na inappoint muli sa nasabing pwesto si Erwin at itinalaga na lamang bilang Officer in Charge (OIC) si Undersecretary Eduardo “Ed” Punay na dati ring mamamahayag.
Ang dalawang kapulungan ng Kongreso ay kapwa nagsasagawa ng imbestigasyon upang mahubaran ng maskara ang mga smuggler at makasuhan ng economic sabotage na walang piyansa.
Gayunman, sa listahan ni Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing Jr., wala ang pangalan ng isang “Martin Araneta” sa mga umano’y smugglers na ipinasu-subpoena nito sa House committee on ways and means na nagsasagawa ng imbestigasyon sa patuloy na smuggling activities partikular sa agricultural products.
Pero isang nagngangalang Michael Ma ang kasama sa listahan ni Suansing na umano’y smuggler.
“Michael Ma, the alleged smuggler of onions, is president of China-Philippines United Enterprise (CPUE) which holds office on the same floor as that of Atty. Lisa Araneta Marcos,” ayon pa kay Tulfo.
“Pinatatawag ng Congress si Ma upang tanungin ang pagkakasangkot niya diumano sa smuggling at hoarding ng sibuyas.
Kasosyo ni Ma si Martin Araneta, nakakabatang kapatid ni First Lady Liza Araneta Marcos. Si Martin ay vice president ng CPUE.
Si Franz Imperial, isang undersecretary sa Office of the President sa Malakanyang, ay opisyal din ng CPUE.
Kaya naman pala mataas ang presyo ng sibuyas: Kasama sa sindikato ng mga smugglers ang ating First Lady!
Bayan ko, kelan matatapos ang iyong pagdurusa! bahagi pa ng post ni Tulfo sa kanyang FB page na “From Where I Sit”.
Una nang sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na ang Michael Ma na ipinasu-subpoena ni Suansing ay bagong pangalan sa hanay mga mga umano’y smuggler sa bansa.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang kampo ng Unang Ginang at maging ang kapatid nitong si Martin sa rebelasyon ni Tulfo.
