(Ni JEDI PIA REYES)
PINAGTIBAY ng Sandiganbayan ang pagsasampa ng mga kasong katiwalian laban kay House Deputy Speaker Arthur Yap kaugnay sa umano’y maanomalyang pag-apruba ng car loan plans ng mga board of trustees ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) noong 2008 hanggang 2009.
Sa ipinalabas na resolusyon ng 6th Division ng anti-graft court, ibinasura nito ang mosyon ni Yap na nagpapadismiss sa mga kaso kasabay ng pag-uutos na maipagpatuloy ang paglilitis sa dalawang counts ng graft laban sa kongresista.
Hindi rin kinatigan ng Sandiganbayan ang katulad na apela ni dating PhilRice executive director Ronillo Beronio at mga dating board member na sina Johnifer Batara, Fe Laysa, Senen Bacani, at Rodolfo Undan.
Nag-ugat ang kaso nang magsabwatan umano ang Board ng PhilRice para paboran ang 10 beneficiary-employees na mabigyan ng car plan at makakuha ng personal loan mula sa Philippine National Bank upang ipambili ng mga pribadong sasakyan.
Ipinarenta umano ang mga nasabing sasakyan sa PhilRice para magamit ng mga empleyado sa opisyal na lakad kahit tumatanggap din ang mga ito ng transportation allowances.
Katwiran naman ni Yap na nuo’y kalihim ng Department of Agriculture, absent siya nang aprubahan ng PhilRice ang car loan plans at wala rin umano siyang pinayagang hold out agreements.
Iginiit pa nito na nagkaroon din ng inordinate delay dahil sa umabot ng mahigit tatlong taon ang ginawang fact-finding investigation ng Office of the Ombudsman na maituturing na paglabag sa karapatan ng akusado sa speedy disposition ng kaso.
Gayunman, binigyang-diin ng Sandiganbayan na ang mga argumento ni Yap ay mas makabubuting mailatag sa paglilitis dahil kailangan nitong maglatag ng mga ebidensya.
Maliban sa kasong ito, kapwa akusado rin si Yap sa iba pang asunto na kinakaharap nina dating Nueva Ecija Representative Rodolfo Antonino at dating Misamis Occidental Representative Marina Clarete dahil sa umano’y pork barrel fund scam.
150