‘KATITING LANG ANG P9-B NG NFA SA MABIBILING PALAY’

bigas22

(NI BERNARD TAGUINOD)

KATITING ang mabibiling palay ng P9 billion ng National Food Authority (NFA) kaya marami pa ring maluluging magsasaka ngayong panahon ng anihan dahil sa Rice Tariffication Law.

Ito ang nabatid ng Saksi Ngayon kay dating Anakpawis party-list Rep Ariel Casilao kahit pa dagdagan umano ito ng P2 Billion ang pondo ng nasabing ahensya upang mas maraming mabiling palay.

Ayon kay Casilao, 4% sa kabuuang ani sa buong bansa lang ang mabibili ng NFA sa nasabing halaga sa presyong P17 kada kilo kaya 96% dito ay maibebenta na lang sa P7 hanggang P10.

Nabatid sa dating mambabatas na umaabot sa 19.8 million metric tons ang naaani na palay sa buong bansa sa isang taon subalit hanggang 430,000 metric tons lamang umano ang kayang bilhin ng NFA.

“Napakaliit na porysento lang ang kaya nilang (NFA) bilhin dahil napakaliit ang inilaang pondo para bilhin ang palay ng ating mga magsasaka. So ang mangyayari nyan, maibebenta pa rin sa P7 ang mas malaking bahagi ng ani,” ani Casilao.

Ngayon buwan hanggang Oktubre ay panahon ng anihan na ayon sa mambabatas na nagsisipag-iyakan ang mga magsasaka dahil sa napakababang presyo ng palay sa kasalukuyan.

“Kahit dagdag pa yan, kahit doblehin pa yan (pondo), hindi pa rin matutulungan ang lahat ng magsasaka,” ani Casilao.

Dahil dito, dapat aniyang ibasura na ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law dahil ito aniya ang nagpalubog lalo sa mga magsasaka imbes na matulungan ang mga ito upang maging self-sufficient ang bansa.

 

160

Related posts

Leave a Comment