(NI BERNARD TAGUINOD)
MAYROONG gustong kumita sa Kaliwa Dam project sa Rizal at Quezon na popondohan ng China kaya kahit itatayo ito malapit sa faultline ay ipinipilit ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang alegasyon ng Bayan Muna party-list group matapos sabihin ng Pangulo na gagamitin nito ang kanyang police power para maitayo ang nasabing proyekto kahit tinututulan ito ng taumbayan lalo na ang katutubong Dumagat.
“Sa sinabi ni Duterte na gagamitin niya ang kapangyarihan nya para ipatupad ang Kaliwa Dam project na lubog sa anomalya at itatayo pa daw malapit sa isang faultline ay tumitingkad ang paniniwala ng marami na may kikita sa Malacanang dahil sa proyektong ito ng China,” ani Bayan chair Neri Colmenares.
Hindi idinetalye ni Colmenares kung papaano pagkakakitaan ng taga-Malacanang ang nasabing proyekto subalit iginiit nito na maanomlya ang proyektong ito at mapanganib dahil malapit ito sa faultline.
Ang Kaliwa Dam ay isa sa mga nakikitang solusyon ng gobyerno upang masiguro na magkakaroon ng supply ng tubig sa National Capital Region (NCR) at mga karating lalawigan sa mga susunod na mga taon.
Ito ay dahil hindi na umano sapat ang tubig mula sa Angat Dam kung saan kumukuha ng supply ang Maynilad at Manila Water para sa kanilang mga customers sa NCR sa hinaharap.
Subalit, ayon kay Colmenares, kung talagang gusto ng gobyerno na maresolba ang problema sa tubig ay gamitin ni Duterte ang kanyang extra-ordinary power para bawiin sa Maynilad at Manila Water ang water service.
“Ang dapat na gawin nya ay gamitin ang kapangyarihan nya para i-rescind ang concession agreement ng Maynilad at Manila Water at kunin na ito ng gobyerno. Kumolekta sila nang kumolekta ng singil sa consumers tapos hindi pala nila ginamit sa dapat nitong paggamitan at ngayon mamamayan na naman ang nagdurusa sa kalokohan nila,” ayon pa kay Colmenares.
167