Kaya pinatawag si Duterte – solon XI JINPING DISMAYADO SA PAGLAKAS NG US

PARA sa isang mambabatas sa Kamara, ipinatawag ni Chinese President Xi Jinping si dating pangulong Rodrigo Duterte dahil dismayado ito sa paglakas ng impluwensya ng United States (US) sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ganito ang basa ni House deputy minority leader France Castro sa pulong nina Duterte at Xi na nabuko lamang matapos maglabas ng litrato ang Chinese Foreign Ministry.

“Analysing the media releases of the Chinese foreign ministry, it seems that China is displeased with the work of Duterte in convincing the Marcos administration to be cozy with China and instead went to the US to counter China’s aggressive behavior in the West Philippine Sea (WPS),” ani Castro.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na kumampi si Duterte sa China noong siya ang pangulo ng bansa kumpara sa Amerika kahit naipanalo ng Pilipinas ang kaso sa Permanent Court of Arbitration hinggil sa pananakop ng nasabing sa bansa sa malaking bahagi ng WPS.

Bago ipinatawag ni Xi si Duterte ay binabakbakan nito ang desisyon ng gobyerno na dagdagan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa Pilipinas at muli itong nagbanta na bobombahin ng China ang bansa kapag nagkaroon ng giyera dahil sa presensya ng Amerika.

Sa pulong na ginanap sa Diaoyutai state guest-house sa Beijing, posibleng inatasan umano ni Xi si Duterte na ituloy ang kooperasyon sa pagitan ng China at Pilipinas.

“Makikita na ang mga Duterte ay pro-China, habang ang mga Marcos naman ay pro-US, puro mga dayuhan ang kanilang mga inuuna kaya ang kawawa ay ang mga Pilipino,” ayon pa sa mambabatas kaya wala aniya sa dalawa ang nagsusulong ng totoong interes ng mga Pilipino.

Pribadong pagbisita

Binigyang linaw naman ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na pribadong pagbisita at walang kinalaman sa mga isyu sa bansa ang pulong nina Duterte at Xi.

Ipinaliwanag din ng senador na inimbitahan ang dating pangulo ng Friends of the Philippines Foundation para sa inagurasyon ng Soledad College Building sa Fujian, China.

Ito ang gusali na pinangalan sa yumaong ina ng dating punong ehekutibo na si Soledad Duterte.

Binigyang diin ng senador na maraming beses nang inimbitahan ang dating pangulo ng organisasyon at ngayon lamang napaunlakan.

Isinabay na rin anya ni Duterte ang courtesy call sa kayang kaibigan na si Chinese President Xi upang magpasalamat sa mga naitulong sa Pilipinas noong panahon ng kanyang termino. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

161

Related posts

Leave a Comment