Kaya tinangkang i-cover up? KONEKSYON NG NINJA COP NA SI MAYO MALAWAK

HINDI lamang ang tinaguriang ninja cop na si dismissed MSgt. Rodolfo Mayo Jr., ang tinangkang i-cover up ng mas nakatataas sa kanya kundi ang iba pang pulis na sangkot sa ilegal na droga.

Ito ang nabatid kay House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers kasunod ng direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa 10 high ranking officers ng Philippine National Police (PNP) na sinasabing sangkot sa tangkang cover-up.

“Indeed there is much truth of a massive attempt to exonerate Sgt. Mayo and other personalities involved in the raid and/or connected to him. Soon these pieces of evidence will unravel and reveal the real story,” ani Barbers.

Si Mayo, nahulihan ng 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 billion noong October 2022 ay inimbestigahan ng komite ni Barbers dahil lubhang nakababahala aniya na ang mismong tauhan ng PNP Drug Enforcement Agency (PDEG) ay nahulihan ng isang toneladang droga.

Lalong pinalawak ng komite ang imbestigasyon matapos natuklasan na bukod sa 990 kilo na idineklarang nahuli kay Mayo ay may 42 kilo ang kinuha ng mga tauhan ng PDEG para pambayad umano sa asset.

“The Committee on Dangerous Drugs has been conducting its own investigation on this incident involving dismissed cop Mayo and other ranking police officers. We have unearthed evidence, testimonial and documentary as well as authentic CCTV footages that revealed the damning truth and the real story behind several incidents that were peddled by some scalawags,” pagsisiwalat ni Barbers.

Nauna rito, inatasan ni Abalos ang 2 police generals at walong police officers na maghain ng leave of absence matapos na masangkot sa umano’y tangkang cover-up sa 990 kilo shabu raid.

Ang mga ito ay kinabibilangan nina dating Deputy Chief PNP for Operations Lt. Gen Benjamin Santos Jr.; PNP Drug Enforcement Group (PDEG) Director Narciso Domingo; PDEG Special Operations Unit (SOU) Region 4A chief PCol Julian Olonan; PDEG SOU Region 4A Arresting Team head PCpt Jonathan Sosongco; PDEG SOU National Capital Region (NCR) officer-in-charge PLtCol Arnulfo Ibañez; PDEG SOU NCR deputy chief PMaj Michael Angelo Salmingo; PLtCol Glenn Gonzales mula sa Quezon City Police District; PDEG intelligence officer PLt Ashrap Amerol; Manila Police District Moriones Station Commander PLtCol Harry Lorenzo III; PDEG SOU 4A Intelligence chief PCpt Randolph Piñon.

Maging ang low ranking officers na sina Police Master Sgt. Lorenzo Catarata, Police Senior Master Sgt. Jerrywin Rebosora, Police Staff Sgt. Arnold Tibay at Patrolman Peter Gular ay pinaghahain ni Abalos ng leave of absence.

Sa biglaang pulong balitaan ay iprinisinta mismo ni Abalos ang mga CCTV footage na nakuhanan noong araw nang pag-aresto kay Mayo kung saan makikita ang ilang opisyal ng PNP.

Base umano sa naturang video, posibleng may sabwatan at tangkang pagtakpan si Mayo matapos itong arestuhin at muling pakawalan.

Ani Abalos, hindi siya kuntento sa inilabas na report ng PNP hinggil sa naturang operasyon dahil iba umano ang nakita kumpara sa nai-file na mga dokumento at testimonials na ibinigay ng mga sangkot na police officers.

Ito rin aniya ang dahilan kung bakit bumuo siya ng advisory board mula sa National Police Commission na tututok sa imbestigasyon.

Naniniwala si Abalos na bukod sa 11 opisyal ng PNP ay marami pang sangkot sa katiwalian. (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL RUIZ)

331

Related posts

Leave a Comment