KOJC MEMBERS KAKASUHAN SA HARASSMENT SA PNP, MEDIA

NAKATAKDANG kasuhan ng direct assault ang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ na itinatag ni tele-evangelist Pastor Apollo Quiboloy, dahil sa pangha-harass sa mga kasapi ng media, mga sibilyan at maging sa hanay ng pulisya sa kasagsagan ng law enforcement operation laban sa self-proclaimed appointed son of God.

Ito ang inihayag ng bagong hirang na pinuno ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na si Police Brig. General Nicolas Torre.

Mariin ding inihayag ni BGen. Torre na tutugisin nila at kakasuhan ang mga taong nagbanta sa kanyang pamilya sa kasagsagan ng manhunt operation kay Pastor Quiboloy.

Ayon kay Torre, ang kanyang pamilya at maging ang pamilya ng iba pang police officers ay tumanggap ng mga pagbabanta at harassment noong kainitan ng pagtugis kay Quiboloy sa loob ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City.

“‘Yung in-involve nila mga anak namin, mga asawa namin, ay teka muna, over and above the bakod na ‘yan. Hindi pupwede ‘yan,” ani Torre isa sa mga personal na maghahain ng kaso laban sa ilang personalidad.

Maging ang mga social media account umano ng kanyang mga anak ay binabaha ng hate messages noong tinutugis na si Quiboloy.

“One of the complainants is General Nicolas Torre dahil kasama ako…I will also file the direct assault charges dahil may direct assault sa akin. I will be personally filing cases,” pahayag ng heneral.

Hindi umano mapalalampas ni Torre ang mga pagbabanta laban sa pamilya ng police officers at maging sa sarili niyang pamilya na tumutupad lamang sa tungkulin.

Bukod sa pananakot at pangha-harass sa pamilya ng mga pulis, ay nagsasagawa na rin umano ng case build-up ang CIDG laban sa tinaguriang mga kasapi ng Angels of Death, ang umano’y private army na ginagamit ng kampo ni Quiboloy para takutin ang mga biktima nito. (JESSE KABEL RUIZ)

110

Related posts

Leave a Comment