KOKO NANGANGANIB DING MAPATALSIK BILANG SENATE MINORITY LEADER

AMINADO si Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel III na nanganganib din ang kanyang pwesto sakaling magdesisyon ang tinatawag na Solid 7 sa Senado na magsilbi na ring bahagi ng minority bloc.

Ang bagong grupo ay kinabibilangan nina Senators Juan Miguel Migz Zubiri, Joel Villanueva, JV Ejercito, Nancy Binay, Sherwin Gatchalian, Loren Legarda at Sonny Angara.

Sinabi ni Pimentel na bagama’t welcome sa kanilang grupo ang pito ay hindi maiaalis na posibleng mapalitan siya bilang lider ng minorya dahil nakadepende pa rin ito sa numero.

“Oo ganyan talaga ang buhay part naman ng rules yan. Yan din ang be careful what you wish for, if you wish for more members, iba na ang minority leader,” pahayag ni Pimentel.

Aminado naman si Pimentel na kung madaragdagan ang kanilang miyembro ay mas magiging maganda ang pagtalakay sa mga panukala.

“Lalo na kung magkaisa ang minority at hindi hati-hati. Dapat solid kayo, hanapan natin ng paraan na magkaroon ng harmony,” diin ng senador.

Samantala, nagtataka si Pimentel kung bakit nalilihis na ang imbestigasyon kaugnay sa ni-raid na POGO hub sa Tarlac at natutuon na sa isyu ng pagkatao ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sinabi ni Pimentel na kung may isyu sa citizenship ni Guo mas makabubuting dalhin na ito sa korte upang agad madesisyunan kasabay na rin ng pagkilos ng Ombudsman kung dapat pang manatili itong alkalde.

“Bakit naging tungkol sa kanya ang hearing, ang hearing kasi tungkol sa POGO. Balik tayo sa POGO at magkaisa tayong lahat na paalisin na yan pagbawalan na yang POGO dito sa Pilipinas,” diin ni Pimentel sa panayam ng DWIZ.

Sa ngayon, sinabi ni Pimentel na dapat tutukan ang pagsisiyasat sa isyu sa POGO at dapat nang palayasin sa bansa dahil krimen lamang ang dulot nito.

“POGO tirahin natin. Talaga naman kasi ang POGO nagagamit na tuloy na cover story parang palusot. Nagdadatingan ang mga dayuhan kasi may legitimate POGO tapos kriminal ang pag-iisip, gagawing hindi lehitimo ang kilos nya,” pahayag pa ni Pimentel.

Sinagot din ni Pimentel ang naging pahayag ni Senate President Francis Chiz Escudero na kung pagbabawalan ang POGO ay dapat maging iisa ang polisiya laban sa mga sugal.

Iginiit ni Pimentel na tama naman na magkaroon ng polisiya laban sa mga sugal subalit makabubuti anyang simulan na ang pagbabawal sa mga POGO na walang buting idinudulot sa bansa.

Ipinalala ng senador na karamihan ng nagtatrabaho sa mga POGO ay hindi naman mga Pilipino na isa ring paglabag sa ating labor laws. (DANG SAMSON-GARCIA)

40

Related posts

Leave a Comment