Kontra at pabor sa Kaliwa Dam magsasalpukan BARIKADA NG DUMAGAT SA SIERRA MADRE

LUMIKHA na ng pagkakahati sa mga katutubong Dumagat ang pagtatayo ng Kaliwa Dam sa kabundukang bahagi ng lalawigan ng Quezon at Rizal na pinangangambahang mauwi sa alitan.

Ayon sa ulat, nagbabarikada ang mga katutubong Dumagat-Remontado sa Tinipak river sa itaas ng Sierra Madre sa bahagi ng mga nasabing lalawigan upang hadlangan ang gagawin namang ritwal ng mga katutubong pumapabor sa pagtatayo ng binabalak na dam.

Ayon kay Marcelino Tena, leader ng tribung Dumagat at tagapagsalita ng mga tutol sa pagtatayo ng Kaliwa dam, hindi naaayon sa kultura ng kanilang tribo ang pagsasagawa ng dalawang magkasalungat na ritwal sa itinuturing nilang sagradong lugar.

Una na anya silang nakapagsagawa ng ritwal sa nasabing lugar noong Mahal na Araw, bilang panalangin na huwag matuloy ang paglalagay ng dam at maprotektahan ang kalikasan.

Kinondena rin ni Tena ang ang mga kasamahan nila na anya ay nagkanulo sa kanila sa pamamagitan ng pagpayag sa pamahalaan at sa MWSS sa pagtatayo ng dam.

Ang grupo rin nina Tena ang nagsagawa kamakailan ng siyam na araw na 150 kilometrong martsa mula sa Quezon province hanggang sa Malacañang para hilingin sa gobyerno na ipatigil ang construction ng dam.

Samantala, balak sana ng isang grupo rin ng mga indigenous Dumagat people na pabor naman sa pagtatayo ng Kaliwa dam na magsagawa ng ritwal sa nasabing lugar para matuloy ang proyekto.

Ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System ay matagal nang nagsusulong ng konstruksyon ng P12.2-bilyong Kaliwa dam upang malunasan ang inaasahang krisis sa tubig sa Metro Manila.

Gayunpaman, ang proyekto ay pinangangambahang magpapalubog sa ilang bahagi ng Sierra Madre sa bayan ng Tanay sa lalawigan ng Rizal at sa mga bayan ng General Nakar at Infanta sa Quezon. (NILOU DEL CARMEN)

54

Related posts

Leave a Comment