KULONG NAKAAMBA SA NUISANCE CANDIDATES

ISINUSULONG ni Senador Sherwin Gatchalian ang panukala para sa mas mabigat na parusa laban sa nuisance candidacy upang matuldukan ang kaguluhan sa pulitika na minsan ay humahantong sa kamatayan.

Sa kanyang Senate Bill 1061 o An Act Providing Ground For Cancelling The Certificate Of Candidacy Of A Nuisance Candidate And Making The Acts Of A Nuisance Candidate An Election Offense, ang sinomang mapatutunayang nagkasala ng anomang election offense, kabilang ang pagiging nuisance candidate, ay papatawan ng parusang kulong na hindi bababa sa isang taon pero hindi lalagpas sa anim na taon at hindi sasailalim sa probation.

“Ang ating panukala ay makakatulong na maibsan ang mga tensyon sa pulitika,” saad ni Gatchalian.

“Inaasahan natin na ang pagsasabatas ng panukalang ito ay makakatulong para mas maging mapayapa ang panahon ng kampanya at eleksyon hindi lamang para sa mga kandidato kundi sa ating mga mamamayan. Matagal na din tayong nagtitiis sa abala na dulot ng panggugulo ng mga nuisance candidates at mga pwersang sumusuporta sa kanila,” dagdag ng senador.

Ang iba pang parusa na itinakda sa panukalang batas ay ang diskwalipikasyon na humawak ng pampublikong tungkulin, pag-alis ng karapatang bumoto, at magbayad ng multang P50,000 sa Commission on Elections.

Gayundin, ang sinumang partidong pulitikal na mapatunayang nagkasala ay magbabayad ng multang hindi bababa sa P10,000.

“Panahon na upang gawing kriminal ang mga nuisance candidates upang higit na maprotektahan ang integridad ng paghahalal sa mga pampublikong opisyal sa pag-asang ang proseso ay magtatapos sa karahasan sa pulitika sa bansa,” diin ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)

69

Related posts

Leave a Comment