Kuryente, tubig, komunikasyon sa VisMin BAGSAK KAY ‘ODETTE’

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

NAGDULOT ng malawakang pinsala sa serbisyo ng tubig, kuryente maging sa komunikasyon ang Bagyong Odette na nag-iwan din ng anim kataong patay– kabilang ang isang bata habang dalawa naman ang naitalang nasaktan nang bayuhin nito ang malaking bahagi ng Mindanao, Visayas at maging sa Bicolandia bago tuluyang lumisan sa bansa.

Libo-libong pamilya rin ang inilikas ng mga local disaster units, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Iloilo City

Sa Iloilo, pumanaw ang isang 54-anyos na babae matapos hampasin ng mga nagliliparang kawayan ang kanyang tahanan, habang nasa 4,000 katao naman ang kanilang inilikas sa mga baybaying bahagi ng kanilang lungsod.

“At the moment, there is one casualty due to bamboo that fell on her house. The casualty is one 54-year-old female living near a cluster of bamboos. The bamboo fell on her house and she immediately passed away,” ani Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa isang panayam sa radyo.

Aniya, ito ang unang pagkakataong nakasaksi siya ng isang sukdulang lakas ng bagyong bumuwal sa kanilang mga naglalakihang puno, poste at maging ang mga kabahayang nawasak ng malakas na hanging dala ng sama ng panahong dahilan ng pagkawala ng kuryente sa naturang lugar.

Cebu Province

Wala namang naitalang nasawi sa lalawigan ng Cebu, ayon mismo kay Cebu Governor Gwenn Garcia, kasabay ng pagtitiyak na ligtas sa kanilang pangangalaga ang 6,400 residenteng kanilang kinupkop sa kapitolyo bago pa man tumama ang bagyo sa kanilang lugar.

Maging ang mga malalaking shopping malls, nagsilbi na ring pansamantalang tahanan ng mga nawalan ng tahanan, binahang pamayanan at mga piniling magsegurong ligtas sa peligrong dala ng bagyo.

Kabilang naman sa mga napinsalang pasilidad sa Cebu ang kanilang IT Park sa bayan ng Apas kung saan nabuwal halos lahat ng matatandang puno. Pati ang linya ng tubig bumulwak, dahilan para pansamantalang maputol ang suplay ng tubig sa nasabing lalawigan.

Paglalarawan pa ng gobernador, mistulang “war zone” ang tagpo sa kanilang lalawigan sa paghupa ng bagyong Odette.

Negros Occidental

Sa Negros Occidental, apat ang naitalang nasawi, ayon mismo kay Governor Eugenio Jose “Bong” Lacson, kabilang ang 64-anyos na babaeng napisak ng bumagsak na puno sa lungsod ng San Carlos.

Nasa 837 naman ang inilikas mula sa mga bayan ng Escalante, Silay-silay Himamaylan, Cauayan at Hinigaran ayon sa ulat ni Provincial Disaster Management Program Division chief Dr. Zeaphard Gerhart Caelian.

Bukod pa sa nasabing bilang, mayroon pang 500 iba pang indibidwal ang kanilang dinala sa apat na evacuation centers sa bayan ng Isabela bunsod ng mabilis na pagsampa ng tubig baha sa nasabing bayan.

Sa bayan sa Ponteverda, 130 pamilyang nakatira malapit sa dagat ang inilikas sa mas ligtas na lugar, habang nasa 96 pamilya naman ang sinagip mula sa pagbaha sa Barangay Balaring sa Silay City.

Sa mga bayan ng Moises Padilla at Binalbagan sa katimugang bahagi ng lalawigan, napag-alamang may mga apektadong pamilya rin ang inilikas bagamat wala pa ang hinihintay na ulat mula sa mga local disaster management agencies.

Sa Bacolod City, 162 pamilya ang pansamantalang tumutuloy sa JR Torres Elementary School sa Barangay Singcang Airport.
Wala rin kuryente sa buong lalawigan.

Eastern at Central Visayas

Dalawang ulit namang nag-landfall ang bagyong Odette sa Bohol – una sa bayan ng President Carlos Garcia bandang alas 6:30 pm at naulit naman sa Bien Unido ganap na 7:30 pm.

Ayon naman kay Bohol Gov. Governor Arthur Yap, bagamat umawas ang tubig na nakaimbak sa dam, hindi naman umano umabot ito sa critical level.

May mga paunang ulat din ng tinamong malawakang pinsala sa Maasin, Southern Leyte subalit wala pang dumarating na datos sa lawak ng pananalasa dahil sa kawalan ng kuryente.

Ayon naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Region 8 na sumasakop ng Eastern Visayas, may inihanda na silang 22,311 family food packs (FFPs) bago pa man ang paglapag ng bagyo sa nasabing rehiyon.

Maagap din ang ginawang paglilikas ng pamahalaang lokal sa mga residente ng bayan ng Guiuan

Patuloy pang iniinspeksyon ang 3,124 barangay sa Southern Leyte, Eastern Samar at Northern Samar na tinukoy ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) hinggil sa nakaambang pagbaha at pagguho ng lupa.

Mindanao

Bumagsak naman ang telecommunication sa Mindanao partikular na sa mga lugar na dinaanan ng Bagyong Odette.

Kinumpirma nina Surigao del Norte Reps. Robert Ace Barbers at Francisco Jose Matugas II na nawalan ng komunikasyon sa ilang lalawigan.

“Down ang mga communication lines mula pa kahapon,” ani Barbers kaya hindi aniya ma-access kung gaano kalawak ang pinsala na iniwan ng Bagyong Odette sa kanilang lalawigan.

Nag-post naman si Matugas sa kanyang Facebook account na nagtayo na umano ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng VSAT (Very Small Aperture Terminal) communications.

“By 10 a.m. today, NDRRMC will fly 2 choppers from Davao to make an aerial assessment of the damage in Siargao & the whole of Surigao del Norte. They will also establish VSAT communications in Siargao so we can get direct updates from our LGU officials,” ani Matugas.

Kinumpirma rin nito na nasira ang Siargao airport kung saan na-trap sina Surigao del Norte Gov. Francisco “Lalo” Matugas at dating Gov. Sol Matugas habang binibisita ang mga evacuee sa nasabing paliparan.

“Also, the Siargao Airport runway is clear of debris. Thus, planes and choppers carrying relief goods can land. It is regrettable however that the Siargao Airport Terminal was totally damaged. Per Mr. Alas’ initial assessment, the damage of Odette in Siargao is devastating,” ayon pa sa mambabatas.

Samantala, nagpatawag ng special City Council session si Manila Mayor Isko Moreno para magpasa ng resolusyon na magkakaloob ng pinansyal na tulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.

Kasabay nito,nanawagan din ang alkalde sa mga Manilenyo na may mabubuting puso na tumulong sa “relief effort” para sa mga biktima ng bagyo.

“I have already asked the presiding officer of the City Council, Vice Mayor Honey Lacuna, to immediately hold a special session and a resolution be passed allocating a certain sum of money for the typhoon victims in the Visayas and Mindanao,” dugtong pa nito.

Umapela rin ang alkalde sa Manilenos na magsagawa ng fund drive para makatulong sa mga biktima ng Bagyong Odette. (JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD/RENE CRISOSTOMO)

4

Related posts

Leave a Comment