(NI BERNARD TAGUINOD)
MAKIKIGULO ang oposisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa speakership lalo na kung magpasya ang Malacanang na isang kandidato lang ang kanilang ilalarga sa nasabing posisyon sa 18th Congress.
Ito ang kinumpirma ni Albay Rep. Edcel Lagman sa press conference nitong Martes sa Kamara kaugnay sa umiinit na labanan sa speakership na pinag-aagawan ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, sinabi ni Lagman na hindi ang pinakamataas na posisyon sa Kongreso ang kanilang target na makuha kundi ang minority bloc.
“If the administration aspirants will field a common candidate, one candidate from the administration, then definitely, we’re going to field a candidate so that this candidate will be the runner up and take the position of minority [leader],” ani Lagman.
Bago ang 17th Congress, naging tradisyon na sa Kongreso na ang pangalawang may pinakamataas na boto sa speakership ay uupong minority leader subalit binago ito ni out-going House majority leader Rodolfo Farinas nang maging speaker si dating House speaker Pantaleon Alvarez.
Sa ginanap na botohan noong Hulyo 2016, si Ifugao Rep. Teddy Baguilat ang ikalawang may pinakamataas na boto sa speakership kasunod ni Alvarez at pumangatlo lamang si Quezon Rep. Danilo Suarez.
Gayunman, hindi ibinigay dito ang House minority leadership kay Baguilat dahil sa tinatawag na “Farinas Doctrine” kung saan lahat ng mga hindi bumoto kay dating House Speaker ay inatasang mag-usap at magtalaga ng kanilang lider kaya si Quezon Rep. Danilo Suarez ang naging minority leader.
Hindi nababahala si Lagman na muling gagamitin sa 18th Congress ang Farinas Doctrine kaya makikigulo umano ang mga ito sa speakership.
346