LALABAG SA MOBILE NUMBER PORTABILITY ACT PARUSAHAN

DALA ng kasalukuyang sitwasyon, nagbabala si Senador Win Gatchalian sa telecommunication companies na madaliin na ang pagpapatupad ng Mobile Number Portability Act (MNPA) na layong payagan ang mga subscriber na lumipat sa ibang service provider nang libre at hindi na kailangan pang palitan ang kasalukuyang cellphone number.

“Sa panahon ngayon na nakadepende ang lahat ng galaw natin sa serbisyo ng mga telcos, wala nang dapat sagabal pa sa pagpapalit ng service provider lalo na kung nais nating lumipat sa kumpanyang may mas maayos na pamamalakad,” ayon kay Gatchalian na siyang pangunahing may-akda ng naturang batas.

“Hindi pa tayo tinatamaan ng pandemya nung naisabatas ito. Ngayon, inabutan na tayo ng COVID-19 at may bagong variant na. Kailangang siguruhin ng National Telecommunications Commission na mahigpit na ipinatutupad ng telcos ang batas,” dagdag pa ng mambabatas.

Dapat naipatupad na ang batas nuon pang Enero ng nakaraang taon ani Gatchalian, lalo na’t Pebrero ng 2019 pa ito napirmahan ng pangulo at Hunyo ng 2019 din lumabas ang Implementing Rules and Regulations (IRR).

Pero sa isang liham na ipinadala ng telcos kay Gatchalian noon pang Disyembre ng 2019, sinabi ng Globe Telecom, Smart Communications at Dito Telecommunity na Hulyo ng 2021 pa nila maipatutupad ang naturang batas dahil kailangan pa nila ng isang independent third party contractor para pamahalaan ang mobile porting services para sa mas maayos na pagse-setup ng interoperability.

Sa pagdinig naman ng Senate Public Services committee noong Miyerkoles, inamin ng kinatawan ng isang telco company na mauurong pa sa Setyembre ng taon ang full commercial operation nila dahil sa Hunyo pa maisasagawa ang interoperability test.

Ang COVID-19 ang itinuturong dahilan ng pagbabago ng kanilang timeline. (ESTONG REYES)

34

Related posts

Leave a Comment