Hirit sa Kamara sa gitna ng ‘palpak’ na NPA list SPECIAL AUDIT SA AFP INTEL FUND

(BERNARD TAGUINOD)

KAILANGANG malaman ng taumbayan kung paano at saan ginagasta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang intelligence fund.

Ito ang nais tumbukin ng isang mambabatas kaya hiniling na magsagawa ng special audit sa intelligence fund ng AFP. Lalo umanong napatunayan na hindi nagagamit nang maayos ang pondo dahil sa kapalpakan ng tanggapan ni AFP deputy chief of staff for intelligence Maj. Gen. Alex Luna.

“Dapat ding isagawa na ang special audit ng intelligence funds, at huwag waldasin sa pasismo ang pondo ng bayan,” ayon pa kay Kabataan party-list Rep. Sarah Elago.

Ang AFP ay mayroong P1.7 billion intelligence funds ngayong taon kaya nangangamba ang mambabatas na hindi ito nagagamit nang maayos dahil lumalabas na hinulaan lamang ang pangalan ng mga taong inilabas ng mga ito na kasapi umano sa NPA na nahuli at napatay.

TANGGALIN DIN

Kaugnay nito, hindi kuntento ang militanteng grupo na tanging si Gen. Luna ang tanggalin sa puwesto dahil sa kapalpakan sa ‘red-tagging’ kundi ang mga opisyales ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ayon kay Elago, malaki rin ang pananagutan ng mga opisyal ng NTF-ELCAC tulad ni Gen. Antonio Parlade at National Security Adviser Hermogenes Esperon sa red-tagging activities na naglalagay sa panganib sa mga nired-tag na mamamayan.

“Bukod kay intel chief Maj. Gen. Luna, hindi ba dapat na ring bumaba o tanggalin sina Lorenzana, Parlade at Esperon, at buwagin na ang NTF-ELCAC? Lalo na at hindi lang listahan ang mali, kundi ang buong gawi ng pakana nilang red-tagging na mapanganib sa seguridad at mga batayang kalayaan. Kung hindi ito wawakasan, walang bago at pananagutan,” ani Elago.

Nauna rito, sinibak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana si Gen. Luna matapos itong maglabas ng listahan ng mga dating estudyante ng University of the Philippines (UP) na sumapi umano sa New People’s Army (NPA) na nahuli at napatay.

Gayunpaman, marami sa pinangalanan ng tanggapan ni Luna ang pumalag dahil hindi sila naging miyembro ng NPA at kailanman ay hindi sila hinuli o kaya napatay.

“Matagal nang nananawagan sa DND ng imbestigasyon at pananagutan sa mga pinapakalat na fake quotes, pambabastos, at paninira sa mga outspoken na kabataan at estudyante sa kanilang social media pages at school events, ngunit imbes tumigil, lalo pa itong tumitindi,” ayon pa kay Elago kaya dapat na rin umanong tanggalin sa puwesto sina Parlade, Esperon at iba pang opisyales ng NTF-ELCAC.

29

Related posts

Leave a Comment