(NI HARVEY PEREZ)
HANGGANG Huwebes na lamang (Pebrero 14) ang ibinigay na palugit ng Commission on Elections sa mga kandidato para baklasin ang kanilang ilegal na campaign materials.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, hanggang ngayon araw na lamang ang ibinigay nilang grace period sa mga kandidato sa pagka-senador at party-list groups, para magbaklas ng mga illegal campaign materials.
Pinaalala ni Jimenez sa mga kandidato na maaring sampahan ng election offense ang mga kandidato na mapatutunayan na hindi nagbaklas ng mga iligal na campaign posters.
Nabatid na sa Biyernes ay sisimulan na nila ang pagdodokumento ng mga posters na hindi nabaklas ng mga kandidato at lumalabag sa takdang sukat at wala sa common poster areas. Sinabi pa ni Jimenez, kahit hindi ang kandidato ang nagkabit ng kanyang illegal posters ay obligasyon nilang tanggalin ang mga ito dahil sila naman ang nakinabang dito.
“They will have at least Thursday to take those campaign materials down,” ayon kay Jimenez, sa isang forum sa Maynila. Nabatid na ang kampanya sa national elections ay nagsimula na nitong Pebrero 12 at magtatapos hanggang sa Mayo 11 habang ang panahon naman ng kampanya para sa local elections ay mula sa Marso 29 hanggang Mayo 11.
126