(NI ABBY MENDOZA)
TINANGGAP na ni Vice President Leni Robredo ang alok na posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Co Chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Sa isang press conference, inianunsyo ni Robredo na tinatanggap na niya ang posisyon at handa siyang makipagtulungan sa administrasyon sa laban kontra illegal drugs.
“Ang sinasabi ng prinsipyo at puso ko ay dapat ko itong subukan. Kung ito ang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente at mapanagot ang kailangang managot, papasanin ko ito. Kaya tinatanggap ko ang trabaho na ibinibigay sa akin ng Pangulo,” pahayag ni Robredo
“Tinatanong nila ako kung handa ba ako sa trabahong ito. Ang tanong ko, handa na ba kayo sa akin? Mr President, 2 taon na lang ang natitira sa iyong administrasyon, hindi pa huli ang lahat, pwede pa nating pagtulungan ito,” dagdag pa nito.
Inamin ni Atty Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, na natagalan ang pag-anunsyo ni Robredo dahil na rin sa dumaan pa ito sa tamang proseso kabilang na ang pagpaalam muna ng desisyon nito sa Malacanang.
Ayon kay Gutierrez kasunod ng pagtanggap ni Robredo ng posisyon ay hindi pa nila alam kung kailan ito dadalo sa Cabinet meeting.
“Wala pa kaming opisyal na natatanggap na invitation sa Cabinet meeting. Ang hirap pangunahan eh,”ani Gutierrez.
Sa ngayon ang aatupagin muna sa mga susunod na araw ni Robredo ay pagkuha ng mga detalye sa bago nitong posisyon.
Sa mga naunang bumatikos kay Robredo bilang drug czar kabilang ang naunang pahayag ni PDEA Chief Aaron Aquino na mabibigo si Robredo kung pamumunuan ang anti drug campaign, sinabi ni Gutierrez na hindi naman umaatras sa kanyang mandato si Robredo.
197