LGU, artists sanib-pwersa KAALAMAN, KAMALAYAN SA QC UNDERPARADISSO

KASABAY ng taunang paggunita ng Earth Month, nagsanib pwersa sa pambihirang pagkakataon ang isang lokal na pamahalaan at mga alagad ng sining sa hangaring palaganapin ang kamulatan sa nakaambang paglalaho ng Philippine Flora and Fauna.

Sa bisa ng nilagdaan kasunduan sa pagitan ng Quezon City government at Sentro Artista Art Hub, nakatakdang sumipa ang pagtatayo ng binansagang QC Underparadisso – isang art installation sa lagusang tao (pedestrian underpass) na nagdurugtong sa Quezon City Hall at sa dinarayong Quezon Memorial Circle.

Tampok sa nasabing proyekto ang mga likhang sining ng mga hayop at iba pang organismong pasok sa kategorya ng ‘near extinction’ o yaong nanganganib nang maubos ang lahi.

Para kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, malaking bentahe sa mga kabataan ang makilala ang ipinagmamalaking flora at fauna sa bansa – bagay na makikita aniya sa tuwing dadaan sa pedestrian underpass.

Gamit ang makabagong teknolohiya, madidiskubre aniya ang iba’t-ibang uri ng hayop sa pag-scan ng QR code na matatagpuan sa bungad ng underpass.

“We recognize that all walks of life can learn so much through art. We hope that the QC Underparadisso will be able to raise the awareness of the public, especially the youth, and inspire them to do their share in protecting the environment,” pahayag ni Mayor Belmonte.

Kabilang sa mga tampok sa QC Underparadisso ang mga ‘endangered species’ na tanging sa Pilipinas matatagpuan – Philippine Eagle, Tamaraw, Pangolin, Warty Pig, Negros Bleeding Heart Pigeon, Tarsier, Waling-Waling, at Alocasia.

“We want our QCitizens to look forward to walking along a beautiful, colorful, and enjoyable underpass where they can take pictures and learn more about nature,” dagdag pa ng alkalde.

Binigyang pagkilala rin ni Belmonte ang aniya’y monumental artwork na sama-samang inilarawan sa tulong ng mga premyadong muralists kabilang si A.G. Saño, ang Art Atak team, Cosmic Clint, at RKTRS Art Collective.

Katuwang rin sa nasabing proyekto sa pagitan ng QC government at Sentro Artista Art Hub ang Boundless Possibilities Foundation na may bitbit ng grupong Gentle Giants – isang lupon ng mga batang alagad ng sining na may ‘espesyal na pangangailangan.’

Kasama rin ang mga ‘talentadong’ mag-aaral mula sa Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science & Technology (EARIST) at mga estudyante ng UP College of Fine Arts at Central Colleges of the Philippines. (JOEL O. AMONGO)

127

Related posts

Leave a Comment