HINIKAYAT ng Department of Interior and Local Govt (DILG) ang Local Government Units (LGUs) na magpasa ng ordinansa na magbabawal muna sa pag- karaoke/videoke sa pampublikong lugar ngayong Holiday season.
Ito’y upang makaiwas sa paglaganap ng COVID-19.
Ayon kay DILG Usec Jonathan Malaya sa Laging handa public press briefing, ang parusa sa mga lalabag sa pagbi-videoke sa mga pampublikong lugar ang siyang magdedetermina sa parusang kakaharapin ng sinomang susuway sa ordinansa.
Subalit, ang paglilinaw ng opisyal, tanging sa pampublikong lugar o maramihang pagbi-videoke ang ipinagbabawal at hindi sa loob ng mga tahanan. (CHRISTIAN DALE)
o0o
Masayang Pasko kina lolo’t lola
SOCIAL PENSION
NG SENIORS IHAHABOL
NGAYONG DISYEMBRE
TINIYAK ng Malakanyang na matatanggap ng mga lolo’t lola o mga senior citizen ang kanilang social pension bago matapos ang taon.
Inamin ni Presidential spokesperson Harry Roque na nagkaroon ng delay sa pamimigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng social pension sa seniors dahil hindi naman pupuwede aniyang magtipun-tipon ang matatanda sa pagtanggap ng kanilang pensiyon na galing sa DSWD.
Sa ulat, umaapela si Senior Citizen Party-list Representative Rodolfo Ordanes kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na atasan na ang DSWD para sa agarang pagpapalabas ng social pension para sa indigent senior citizens.
o0o
Pagtiyak ng Palasyo sa Sinovac scandal
EXPERTS NG PINAS
‘DI MASUSUHULAN
TINIYAK ng Malakanyang na hindi masusuhulan ang mga eksperto sa pamahalaan ng Pilipinas para sa mabilis na pagbibigay ng Emergency Utilization Authority (EUA) sa mga manufacturer ng covid vaccine.
Ito ang binigyang-diin ni Presidential spokesperson Harry Roque kaugnay ng sinasabing pagkakasangkot ng kumpanyang Sinovac sa panunuhol sa ibang bansa para mapabilis ang pagpoproseso ng kanilang mga papeles at magamit ang kanilang produkto sa bansang susuplayan nito.
Ani Sec. Roque, buo ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga vaccine expert at sa Food and Drugs Administration (FDA), na siyang mag-aaral sa kaligtasan at bisa ng mga bakuna laban sa COVID-19.
Aniya, dalawa lang ang magiging basehan kung maaaprubahan ang bakuna sa bansa, at ito ay ang safety at efficacy ng gamot. (CHRISTIAN DALE)
