LIBO KATAO INILIKAS SA PAGHAGUPIT NI ‘BETTY’

TINIPON ang libo-libong indibidwal sa evacuation centers at namahagi na rin ng family food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay ng bagyong Betty.

Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez na may isang milyong pamilya sa Region 1, 2, 3, 4-A, 4-B, 5, 6, 7, Cordillera Administrative Region, at National Capital Region (NCR) ang inaasahan na magiging ‘vulnerable’ sa masungit na panahon dahil kay Betty at Southwest Monsoon (Habagat).

“‘Yung mahihirap talaga sa mga area na ‘to at pinaka-susceptible ay nasa 127,000 families. Ang kagandahan lang nito, nasa 679,000 ‘yung ating family food packs na naka-preposition sa mga area na ‘yan,” ayon sa DSWD.

Sa Ilocos Region, partikular na sa La Union at Ilocos Sur, sinabi nito na may 21,000 family food packs ang naipadala na.

Sa Batanes naman ay 850 food packs ang naipamahagi.

Mayroong 3,659 indibidwal sa Negros Occidental at 1,000 hanggang 2,000 mahigit naman sa Luzon provinces na inilipat sa evacuation centers dahil sa banta pa rin ni ‘Betty’.

Ang bagyong Betty, dating super typhoon na may international name Mawar ay inaasahan lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes. (CHRISTIAN DALE)

117

Related posts

Leave a Comment