LIBRENG ABOGADO, TAMBAYAN PARA SA MARINONG PILIPINO

BILANG sukli sa ambag ng mga marinong Pinoy sa ekonomiya ng bansa, isang panukalang batas na nagtatakda ng libreng abogado sa hanay ng mga Filipino Seafarers ang pinagtibay ng House Committee on Overseas Workers Affairs.

Sa ilalim ng Magna Carta for Filipino Seafarers, magtatakda rin ng maayos na tambayan para sa mga Pinoy seamen, bukod pa sa serbisyong legal ng Public Attorney’s Office (PAO).

Partikular na tinukoy ni committee chairman Kabayan partylist Rep. Ron Salo ang pagtatayo ng Seafarer Welfare Centers (SWCs) na pangangasiwaan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Aniya, hindi angkop na hayaan magkalat lang sa kahabaan ng TM.Kalaw St. (malapit sa Luneta) sa lungsod ng Maynila kung saan di umano nalalagay sa peligrong dulot ng naglipanang manlolokong abogado, dorobo at sindikato ang mga marino.

“For so long, the programs of the OWWA prioritized our land-based OFWs. Let us now cater to the needs of our seafarers whose concerns have been often overlooked,” ani Salo.

Bukod aniya sa tambayanan, magsisilbing One-Stop Shop Centers ang mga SWC sa iba’t ibang panig ng bansa para sa mga seaman na naglalakad ng kanilang mga papeles tulad ng lisensya, permit, clearances at iba pang dokumento.

Kabilang sa mga pagtatayuan aniya ng SWCs ang National Capital Region (NCR), Pangasinan, Bulacan, Cavite, Batangas, Iloilo, Cebu, Davao at iba pang lugar kung saan maraming seamen.

Nakasaad din sa nasabing panukala na hindi na kailangan pang gumastos ng mga seaman sa tuwing kailangan ang serbisyong legal ng mga abogado.

“These enhancements in the Magna Carta will also help address concerns of manning agencies and shipowners on ambulance chasers, which have tarnished the reputation of the country’s maritime industry.”(BERNARD TAGUINOD)

75

Related posts

Leave a Comment