HABAMBUHAY na pagkakabilanggo at hindi bibigyan ng parole ang mga otoridad na masasangkot sa extra-judicial killings (EJK).
Ito ang nakapaloob na parusa sa House Bill (HB) 10986 o Anti-Extrajudicial Killing Act kung saan ituturing na bilang “heinous crime” ang EJK na naging popular noong panahon ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
“This bill seeks to explicitly criminalize extrajudicial killings, ensuring that any individual, regardless of rank or position, who is found guilty of participating in, authorizing, or condoning such acts will face appropriate criminal penalties,” ayon sa nasabing panukala.
Ang panukala ay isa sa mga nabuo ng mga mambabatas habang nagsasagawa ang Kamara ng imbestigasyon sa ugnayan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), Illegal drug trade at EJK noong panahon ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Base sa report ng Philippine National Police (PNP), mahigit 6,000 drug suspek ang napatay sa police operation noong kasagsagan ng war on drugs subalit kung ang human rights group ang tatanungin, umaabot sa 30,000 ang biktima.
Karaniwang dahilan umano kung bakit napatay sa police operation ang mga biktima ay nanlaban umano bagay na hindi pinaniniwalaan, hindi lamang ng mga right advocates, kundi ng ilang mambabatas dahil sa mga ebidensyang nakalap ng mga ito tulad ng CCTV footages kung saan may mga napatay ang hindi nanlaban.
Dahil dito, isinulong ng mga mambabatas sa Kamara na gawing heinous crime ang EJK upang irespeto ng mga otoridad ang karapatan pantao ng kanilang kapwa at maibalik ang tiwala ng mamamayan sa kapulisan.
“By defining extrajudicial killing as a specific crime, the bill will strengthen the legal framework for investigating, prosecuting, and punishing those responsible for these heinous acts. The classification of EJK as a heinous crime is a necessary step to restore public confidence in the justice system,” paliwanag pa sa nasabing panukala. (BERNARD TAGUINOD)
55