(NI ABBY MENDOZA)
SA lawak ng anomalyang nabunyag sa pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA), pinaaksyon ni ACT-CIS partylist Rep Eric Yap ang Philippine Anti Crime Commission (PACC) na magsagawa ng lifestyle check hindi lamang sa mga opisyal ng Bureau of Corrections (BUCOR) kundi maging sa mga empleyado nito.
Naniniwala si Yap na mayroong sabwatan mula sa mataas hanggang mababang kawani ng Bucor kaya patuloy na nagiging talamak ang anomalya sa ahensya.
Ani Yap,maituturing na necessity ang pagsasagawa ng lifestyle check ngayon sa BuCor upang matukoy kung sino ang sangkot sa katiwalian.
“Lifestyle check on BuCor officials and employees is a necessity at this point just to show that they did not benefit from anything within their jurisdiction,” pahayag ni Yap.
Kapag bumagsak sa lifestyle check ay agad na kasuhan ang kawani at isulong ang forfeiture case laban sa mga ito.
“Let us file charges if there is a need to and let justice take its course. If it results to the forfeiture of their assets, so be it. But it should be done soon,” giit ni Yap.
Iginiit din ng mambabatas na ituloy-tuloy ng Senado ang ginagawa nitong imbestigasyon sa GCTA dahil tiyak na mas marami pang anomalya na mabubunyag.
“Yung nasama sa listahan si Janet Lim Napoles ay lalo tayong nangangamba sa isyu ng GCTA for sale,” dagdag pa nito.
Inihahanda na ni Yap ang ihahain nitong House Bill sa Kamara na naglalayong gawing malinaw ang mga kondisyon sa mapapalayang preso sa ilalim ng GCTA.
118