BUNSOD na papalapit na Yuletide season, inatasan ni Department of the Interior and Local Governments Secretary Atty. Benjamin Abalos Jr. ang lahat ng local chief executives sa buong bansa na bumuo at pakilusin ang kani-kanilang Local Price Coordinating Council (LPCC).
Ayon kay SILG Abalos, layunin nito na subaybayan at tutukan ang supply at presyo ng pangunahing mga bilihin, lalo na ang mga produktong pang-Noche Buena.
Sinabi ni Secretary Abalos, kailangang masubaybayan at matutukan ang halaga ng pangunahing mga bilihin ngayong Christmas season upang makatulong na mabawasan ang pasanin sa gastusin ng sambayanan.
Kabilang sa responsibilidad ng mga miyembro ng LPCC na protektahan ang kapakanan at interes ng mga mamimili at bantayan ang labis at hindi makatwirang pagtaas ng presyo sa merkado.
Katuwang ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA) at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagtiyak na hindi maabuso at walang magsasamantala sa presyo ng mga produkto.
Nagbabala ang kalihim sa mga indibidwal at pamilihan na nagbabalak lumabag sa mga alituntunin ng pamahalaan na kailangang nilang sundin ang Suggested Retail Price (SRP) sa ilang mga produkto.
“Ngayon pa lang ay mag-iikot na kayo sa mga palengke, supermarket at iba pang pamilihan upang tiyakin na stable ang suplay at nakaayon sa suggested retail price ang binebenta nilang mga produktong pang-Noche Buena.
Ang diwa ng Kapaskuhan ay pagmamahalan at pagbibigayan. Huwag po nating gamitin ang okasyong ito para mang-abuso ng mga mamimili.
Maging responsableng negosyante upang maging masaya at masagana ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ng bawat Pilipino,” pahayag ng kalihim.
(JESSE KABEL RUIZ)
162