LOW WATER LEVEL SA ANGAT DAM TATAMA NA SA LINGGO

angatdam12

(NI ABBY MENDOZA)

PAGDATING ng araw ng Linggo ay inaasahan ng National Water Resources Board (NWRB) na tatama na sa 180 meter low water level ang antas ng tubig sa Angat dam.

Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David, nitong Biyernes ay nasa 180.73 meter mark na ang Angat dam kaya pagsapit ng Linggo ay aabutin na nito ang low level na 180 meters.

Aminado ang NWRB na tuluy-tuloy na ang pagbaba ng tubig at sa kanilang pagtanya, pagsapit ng buwan ng Mayo ay aabot na ito sa 170 meter.

Nabatid na ang normal high water ng Angat dam tuwing panahon ng tag-ulan ay nasa 212 meters.

Tiniyak naman ni David na bagama’t umabot na sa low level ang tubig sa Angat dam ay hindi pa rin magkakaroon ng problema sa tubig.

Nasa 96 % ng water supply ng tubig ng Metro Manila ang nanggagaling sa Angat at sa nasabing dam din umaasa ng irigasyon ang may 27,000 hektaryang taniman sa Bulacan at Pampanga.

Sinabi ni David na alinsunod sa kanilang protocol kapag umabot na sa low level ang tubig sa Angat ay ang tubig sa mga kabahayan ang prayoridad habang ang babawasan ay sa irigasyon.

Ang 48 cubic meter per second (CMS) umano na alokasyon para sa  Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na hinahati sa concessionaires na Maynilad at Manila Water ay mananatili habang ang babawasan ay ang alokasyon sa irigation mula sa dating 35 CMS ay gagawin na lamang 10 CMS.

Mabawasan man ang alokasyon sa irigasyon ay hindi ito makakaapekto sa sakahan dahil malapit na umano ang anihan.

 

153

Related posts

Leave a Comment