(NI BETH JULIAN)
PINUNTAHAN na ng Presidential Anti Corruption Commission (PACC) ang limang ahensya ng pamahalaan na kabilang sa nabanggit na Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA na kinakailangan ipagbuti ang serbisyo.
Kinabibilangan ito ng Land Transportation Office (LTO), Land Registration Authority (LRA), Social Security System (SSS), Bureau of Internal Revenue (BIR)at Pag Ibig.
Sinabi ni PACC Commissioner Grecco Belgica, personal niyang ininspeksyon at inalam ang sitwasyon sa limang ahensya.
Batay sa naunang pahayag ng Pangulo, kaya madalas inirereklamo ang mga nabanggit na ahensya ay dahil sa pagiging makupad sa paghahatid ng serbisyo.
Ayon kay Belgica, pati ang mga taong nakikipag-transaksyon sa nabanggit na mga ahensya ay kanilang kinausap at inalam ang kanilang concerns sa sitwasyong nararanasan sa kanilang pakikipag-transaksyon.
Kasama ni Belgica sa nag-ikot at nag- inspeksyon ang kapatid na si Atty. Jeremiah Belgica na siya namang director general ng Anti Red Tape Authority (ARTA).
Sinabi ng PACC Commissioner na magtatakda sila ng dialogue sa pamunuan ng limang nabanggit na ahensya.
Ayon kay Belgica, pag-uusapan sa dialogue ang mga reklamong ipinarating sa 888 hotline at maging kung paano mapabibilis ang kanilang sistema.
257