(DANG SAMSON-GARCIA)
AMINADO si Senate Minority Leader Koko Pimentel na nababahala na siya sa lumolobong utang ng bansa.
Subalit sa kabila anya nito ay hindi nakikitaan ng pag-aalala ang economic managers at naggiit na kayang-kayang bayaran ng bansa ang utang na umaabot na sa P15.18 trillion.
Binigyang-diin ni Pimentel na ang nangyayari kada taon ay sobra-sobra ang inilalaang pondo para sa gastusin kumpara sa inaasahang papasok na kita.
“Nakakatakot para sa akin kasi kada piso, o let say kada P100 na kita ng gobyerno, siguro P15 to P20 ang binabayad natin sa utang. Baka dapat bigyan din natin ito ng pansin kasi binabalewala natin sasabihin na kayang-kaya naman bayaran, baka lumaki nang lumaki over the years, sa revenue ng gobyerno lalaki ang porsyento na binabayad sa utang imbes na itulong sa tao yun, naaalis yun eh. Hindi na maitulong sa tao, pinambabayad na sa creditors natin,” paliwanag ni Pimentel.
Sinabi ni Pimentel na kailangan nang pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang ating lumolobong utang upang hindi naman mapunta lamang sa pagbabayad ang malaking bahagi ng kita ng gobyerno.
Dapat din anyang mapag-aralan ang mga proyekto na ipinatutupad ng gobyerno upang matiyak na de kalidad ang mga ito at hindi taun-taon ay inuulit ang kahalintulad na proyekto.
Internet Ipinangutang
Kaugnay nito, inaprubahan ng World Bank (WB) ang USD287.24 million loan para pondohan ang Philippine Digital Infrastructure Project (PIDP) na naglalayong ayusin at paghusayin ang access sa internet ng mahigit sa 20 milyong Pilipino.
Sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na ang PIDP ay magde- deploy ng high-speed internet sa 772 sites sa Mindanao at palalawigin ang broadband coverage sa 10,259 underserved areas.
“The project has the potential to increase the country’s gross domestic product by 1.38 percent while also enhancing the country’s cybersecurity defenses and bridging the digital divide, offering better access to education, healthcare, and essential government services,” ayon kay Uy.
Kasama sa proyektong ito ang development ng national fiber optic backbone na magpapalawak sa connectivity sa mga remote regions sa Visayas at Mindanao.
“With resilient underground cable installations, it aims to future-proof the country’s digital infrastructure while ensuring that public institutions and underserved communities can participate in the digital economy,” ayon sa Kalihim.
Ang PIDP ay inendorso ng National Economic and Development Authority Board at nakahanay sa Philippine Development Plan 2023-2028.
“With the PDIP, the Philippines moves closer to a future where every Filipino, regardless of location, can benefit from fast, reliable, and secure internet access, paving the way for a more connected and prosperous country,” ang sinabi pa rin ni Uy. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
25