MABAGAL NA PAGBABAKUNA KONTRA ASF PINUNA

NABABAGALAN ang sektor ng magbababoy at stakeholders sa pagbabakuna sa mga baboy laban sa African Swine Flu (ASF).

Sa media forum sa Maynila, muling nakiusap sa gobyerno ang hog raisers partikular sa Department of Agriculture (DA) na bilisan ang pagbabakuna dahil naisagawa naman na anila ang roll-out noong August 30.

Panawagan pa ng hog raisers, mas maraming alagang baboy ang maliligtas at hindi malulugi ang mga nagnenegosyo kabilang ang feed producers kung mabilis ang pagbabakuna lalo na sa backyard hog raisers.

Ayon kay Rico Geron, CEO ng SoroSoro Ibaba Development Cooperative, kung magpapatuloy ang pagkamatay ng mga baboy ay liliit ang suplay dahil sa ASF, hindi maiwasan na magtaas na naman ang presyo nito sa darating na Kapaskuhan kung kailan mataas na ang demand.

Kasama ang mga miyembro ng National Federation of Hog Farmers Inc. at Pork Producers Federation of the Philippines, muling hinihimok ni Agap Party-list Rep. Nick Briones ang pamahalaan na magdeklara ng national state of emergency kontra ASF.

Sinabi ni Briones na araw-araw ay may namamatay na baboy dahil sa mabagal na pagbabakuna.

Aniya, tinatayang nasa 9 milyun ang bilang ng baboy sa bansa at 40% dito ay national hog raisers habang 60% ang tinatawag na backyard hog raisers na lubos na nangangailangan ng bakuna.

Idinagdag naman ni Geron na handa silang tumulong sa pamahalaan upang mapabilis ang pagbabakuna sa mga apektadong hog raisers dahil mayroon silang kooperatiba at network sa Luzon tulad ng mga technician at beterinaryo.

“Kami ay nagboboluntaryo sa pamahalaan para pabilisin ang roll-out ng bakuna sapagkat mabilis nauubos ang kabuhayan at alaga ng ating mga kabahayan,” ani Geron.

Nang mag-roll-out noong August 30 sa Lobo, Batangas kung saan nagkaroon ng outbreak ng ASF, sinabi ni Briones na natutuwa ito dahil may bakuna sa mga baboy kaya naman nanawagan ito ngayon na sana magkaroon ng sistema at gumamit ng cooperative industry leaders upang mapabilis ang pagbabakuna.

Sa nasabing roll-out, 10,000 doses ng bakuna kontra ASF ang itinurok pero natatagalan ang proseso nito dahil sa paghihintay ng resulta sa mga isinasagawang pag-aaral gayundin ang sinasabi ng Food and Drug Administration (FDA) na ‘gene-sequencing’ na ayon kay Briones ay hindi na dapat kailangan dahil kailangan ang kagyat na aksyon dahil marami na ang naapektuhan ang kabuhayan.

Aniya, ang pagdedeklara ng state of emergency ay magiging paraan para agad at mabilis ang roll-out ng bakuna sa mga mas nangangailangan lalo na sa mga lalawigan na lubhang apektado ng sakit.

28

Related posts

Leave a Comment